Magwawakas ang primetime drama sports series ng GMA-7 na Bolera ngayong Biyernes ng gabi, August 26, 2022.
Isa si Gardo Versoza sa mga miyembro ng cast na nagpahayag ng kalungkutan dahil kay Cobrador, ang pangalan ng karakter na kanyang ginampanan.
Ayon kay Gardo, nagpapasalamat siya sa role ni Cobrador na ipinagkatiwala sa kanya ng Kapuso Network dahil nawala na ang mga pagdududa sa katauhan niya.
Read: Gardo Versoza dances in size-12 stilettos, p*ekpek shorts "basta mapasaya mo si wifey"
“Sobrang enjoy ako sa karakter. Nagpapasalamat nga ako kasi kung hindi po nagawa itong karakter na 'to, malamang natuluyan na ako sa pagsusuot ng heels.
"Pinagdududahan na nga ako tuwing lalabas ako, tinatanong kung nag-come out na ba ako talaga.
“Nung lumabas si Cobrador, at least ngayon, hinahamon na lang ako mag-billiards palagi,” pahayag ni Gardo sa digital farewell press conference ng Bolera.
Hindi nakalimutan ni Gardo na magpasalamat sa Kapuso Network dahil sa mga mapaghamong papel na ibinibigay sa kanya, kasunod ang birong nahihirapan siya sa mababait na role dahil ito ang tunay na ugali niya.
Saad niya, “Thankful ako sa mga karakter na ginagampanan ko na malayo sa totoong buhay. Feeling ko, tinatrabaho ko, gumagawa ako ng homework.
"Kapag mabait kasi ang karakter, ako na talaga yun, di ba? Mahirap nang gawin kapag mabait, lumalabas ang natural.
“Pero kapag salbahe, bakla o offbeat ang roles, enjoy at thankful ako dahil kumbaga nga sa nag-aaral, nagbabasa ka, nagre-review at ginagawa mo ang mga homework.”
Ang lock-in taping ng Bolera ang itinuturing ni Gardo na isa sa mga hindi nito makalilimutang karanasan dahil sa malalim na pagkakaibigan na nabuo sa lahat ng mga kasali sa proyekto.
“Ito na yung pinaka-memorable sa lahat ng mga lock-in taping na ginawa ko. Solid ito, solid.
“May mga bagay na parang for public consumption, like yung buong grupo, meron naman para sa private consumption.
“Iba yung naging bonding ng grupo ng Bolera. Kadalasan, after work or after lock-in tapings, kanya-kanya na.
“Sa Bolera, may tail end pa rin. May communication pa rin at malalim yung masasabi mong pinagsamahan at pinagdaanan ng grupo namin.
"Congratulations sa Team Bolera!" sabi ni Gardo.