Ang The Voice Kids Philippines Season 1 champion ng ABS-CBN na si Lyca Gairanod ang special guest sa The Boobay and Tekla Show ng GMA-7 sa darating na Linggo, July 24, 2022.
Ipinagtapat ni Lyca sa exclusive interview sa kanya ng Cabinet Files ngayong Martes ng gabi, July 19, na kabadung-kabado siya sa guesting niya sa comedy-talk show nina Boobay at Tekla.

May dahilan si Lyca para kabahan dahil nagsimula sa ABS-CBN ang kanyang acting at singing career noong sampung taon lamang siya.
“First time ko po na mag-guest sa GMA-7. Kinabahan po ako pero sobrang saya naman po. Siyempre, I’m so happy,” sabi ni Lyca.
Hindi isinasara ni Lyca ang posibilidad na magkaroon din siya ng programa sa Kapuso Network gaya nina Bea Alonzo, John Lloyd Cruz, at ibang mga talent ng ABS-CBN na lumipat sa GMA-7 nang hindi mabigyan ng bagong prangkisa ang kanilang dating home studio.
“Siguro po pero hindi ko pa alam. Depende po siguro. Waiting lang po ako sa opportunities na darating para sa akin,” pahayag ni Lyca.
Lumipat si Lyca sa Viva Artists Agency noong November 2020, apat na buwan matapos bumoto ang karamihan sa mga miyembro ng House of Representatives na hindi i-renew ang franchise ng ABS-CBN.
Read: Congress junks ABS-CBN franchise renewal
Riot ang guesting ni Lyca sa The Boobay And Tekla Show dahil sa masayang interbyu sa kanya nina Boobay and Tekla.
"Why not?" sagot ni Lyca nang itanong ni Boobay kung papayag siyang makasama sa isang teleserye ng GMA-7.
Nagreklamo naman si Tekla dahil sa malakas at makatotohanang pagsampal sa kanya ng young singer sa "May Pa-Presscon" segment ng kanilang Sunday night program.