“You’re nothing but a second rate trying hard copy cat!”
Ito ang hindi malilimutang linya ni Cherie Gil sa 1985 blockbuster movie na Bituing Walang Ningning.
Puwedeng ito rin ang sabihin o isumbat ng mga Pilipino sa mga mamamayan ng Sri Lanka dahil sa pagsugod nila sa official President’s Residence ni Sri Lankan President Gotabaya Rajapaksa noong Sabado, July 9, 2022.
Ang mga eksenang ito ay nagpaalaala sa karamihan sa mga nangyari sa Malacañang Palace sa huling gabi ng EDSA People Power Revolution noong February 25, 1986.
Sinakop ng mga nagpoprotestang Sri Lankans ang tahanan ni Rajapaksa para ipakita ang kanilang galit sa pamahalaang hindi nalutas ang matinding krisis sa ekonomiya ng bansa nila.
Libu-libong mga tao ang nakapasok sa opisyal na tahanan ni Rajapaksa, naligo sa swimming pool, nahiga sa mga kama at sofa, chill na chill, masayang-masaya at parang mga nagbabakasyon lamang sa isang mamahaling hotel.
Walang nagawa ang mga pulis at ang mga sundalo na hindi nakontrol ang mga demonstrador na hindi naabutan si Rajapaksa dahil nakaalis na ito sa Palasyo noong Biyernes para makaiwas mula sa kanyang mga naghihimagsik na kababayan.
Kung ikukumpara ang mga nangyari sa Malacañang Palace noong February 25, 1986 sa mga kaganapan sa Presidential Palace sa Sri Lanka nitong July 9, 2022, higit na agresibo ang mga Sri Lankan.
Matibay na ebidensiya ang viral photo ng isang lalakeng nagawa pang maligo sa shower room ng official residence ng Pangulo nila.

Personal naming nasaksihan ang pagsugod ng mga Pilipino sa Malacañang Palace noong February 25, 1986, ilang oras matapos makumpirma ang balitang umalis na ang pamilya Marcos pagkatapos ng 20 taong nasa kapangyarihan.
Read: Isang pagbabalik-alaala ng isa sa mga "bayani" ng EDSA Revolution...
Bahagi ng kasaysayan at hindi tsismis lamang ang pagpasok sa loob ng Palasyo ng mga kababayan nating tinangay ang lahat ng mga kagamitang pakikinabangan, inihagis mula sa mga bintana ang mga libro at dokumentong kanilang nahawakan.
Natuklasan din nila ang libu-libong pares ng sapatos ni former First Lady Imelda Marcos.
Pero wala ni isa ang nangahas maligo sa banyo habang nagkakagulo ang mga tao sa paligid.
Kung may pagkakaiba man sa dalawang sitwasyon na tatlumpo’t anim (36) na taon ang pagitan, higit na dokumentado ang mga nangyari sa Presidential Palace sa Colombo.
May mga bitbit na cellphone camera ang halos lahat ng mga nanakop na may souvenir photos at videos na pinanghahawakan kaya mahihirapan ang sinumang magtatangkang baguhin o baliin ang kasaysayan.