“Wow, taray! Hahaha!”
Ito ang reaksiyon ni Paolo Ballesteros nang malaman nito ngayong Biyernes ng tanghali, July 7, 2022, ang balita tungkol sa pagsasanib-puwersa o back-to-back airing sa telebisyon ng It’s Showtime ng Kapamilya Channel at A2Z at ng Lunch Out Loud ng TV5.
Magsasanib-puwersa ang dalawang programa simula sa July 16.
Si Paolo ay isa sa mga co-host ng longest-running noontime show sa Pilipinas, ang Eat Bulaga! ng GMA-7 at TAPE Inc.
Read: Bayani Agbayani, excited sa pagsasanib-puwersa ng Lunch Out Loud at It's Showtime
Ang katotohanan, walang kaalam-alam si Paolo tungkol sa isyu. Kailangan pa naming ipaliwanag sa kanya ang mga mangyayari sa mga noontime program na katapat at kalaban ng Eat Bulaga.
“Oww talaga? Paanong magsanib-puwersa? Hindi ko alam na may ganun na ganap,” sabi ni Paolo nang ikuwento namin ang mga magaganap sa It’s Showtime at Lunch Out Loud.
Magkakaroon na ng bagong pamagat ang Lunch Out Loud, ang Tropang LOL.
Kahit magsama at magsanib-puwersa ang It’s Showtime at ang Lunch Out Loud, marami ang naniniwalang mahihirapan ang mga host at production staff ng mga nabanggit na TV show na patumbahin ang Eat Bulaga! na itinuturing nang isang institusyon.
Hiningi ng Cabinet Files ang opinyon ni Paolo tungkol sa mga positive feeback ng netizens para sa noontime program na kinabibilangan niya.
“E, di lalo pang sasaya ang tanghalian nating mga Pinoy?” ani Paolo.
Umamin ang Eat Bulaga! host na hindi nito napapanood ang It’s Showtime at ang Lunch Out Loud.
“Hindi ko kasi parehas na napapanood so I have no idea kung ano ba ang mga laman [ng It’s Showtime at Lunch Out Loud] and paano ba sila. Ang alam ko lang, same na noontime shows sila.
“But I can only speak for Eat Bulaga! na not only for fun and saya, but also more of public service, awareness, at nagbibigay ng pag-asa sa mga Pinoy na talagang nangangailangan.
“'Yan naman ang tatak ng Eat Bulaga! na hindi mawawala, dalawa o one hundred man ang katapat na mga programa],” pahayag ni Paolo.
Read: Bb. Pilipinas 2022 candidate Graciella Lehman wears "Tikbalang" costume by Paolo Ballesteros
Base sa pahayag ni Paolo, tila hindi apektado sa nalalapit na back-to-back airing ng mga programa na katapat ng Eat Bulaga, na nagdiriwang ng ika-43 anibersaryo ngayong taon.
Magkakaroon ng simultaneous broadcast sa TV5, A2Z, at Kapamilya ang It’s Showtime at Lunch Out Loud kaya tatlo laban sa isang network (GMA-7) ang inaabangang tagisan ng noontime shows na mag-uumpisa sa July 16.