Sasailalim sa major surgery sa Manila Doctors Hospital si opposition Senator Leila M. de Lima dahil sa pagkakaroon ng Stage 3 pelvic organ prolapse.
Hindi na puwedeng ipagpaliban ang medical procedure kay De Lima dahil "at the soonest possible time" ang payo ng kanyang mga doktor.
Kung nagkakaroon ng luslos o hernia ang mga kalalakihan, "buwa" o pelvic organ prolapse naman ang nagiging karamdaman ng mga kababaihan kapag bumababa nang husto ang pantog, matres o rectum sa pribadong bahagi ng katawan nila.
Maaaring pumasok at lumawit sa private part ng babae ang pantog, matres at rectum kapag nasobrahan ang pagbaba ng mga nabanggit na organ.
Ito ang dahilan kaya kailangan nang sumailalim sa operasyon si De Lima.
Nagpapasalamat ang senador sa Muntinlupa Regional Trial Court Branch 204 at 256 dahil sa medical furlough na ipinagkaloob sa kanya at nag-umpisa kahapon, June 20.
Pahayag ni De Lima: “I thank the Courts for their compassion and swift action in allowing me to address my urgent medical needs — from granting my motion for medical furlough for routine checkup last April and my recent motion that would allow me to undergo a major surgery.”
Habang nakaratay siya sa ospital, ipinaabot ni De Lima ang pakikiramay sa mga naulila ni Atty. John Albert "Jal" Laylo, ang 35-year-old Filipino lawyer na dating staff member niya na nagbabakasyon sa Philadelphia, USA, pero dito binawian ng buhay.
Binaril si Laylo noong Lunes, June 20, habang nakasakay sila ng kanyang ina sa Uber car na papunta sa airport para sa kanilang flight sa Chicago.
Hindi pa nahuhuli ang salarin pero naniniwala ang mga imbestigador na isang kaso ng mistaken identity ang nangyari dahil kapareho ng kotseng sinasakyan ni Laylo ang sasakyan na tinutugis ng suspect.
“My deepest condolences on Jal’s untimely passing. He was so young and still full of dreams. He was part of my legislative team for two years before he left to pursue his Masters.
“Isang mabuting tao at mahusay na katrabaho, a man of high energy and vibrant spirit. No words can ease the pain that you are feeling right now but I pray that Jal’s beautiful memories will give you comfort in this difficult time,” mensahe ng pakikiramay ni De Lima sa nagluluksang pamilya ni Laylo.