Ang pagiging mag-ama nina Cesar Montano at Diego Loyzaga ang isang malaking dahilan kaya sila ang napiling gumanap na yumaong President Ferdinand Marcos Sr. at President-elect Ferdinand Marcos Jr. sa Maid in Malacañang, ang bagong pelikula ng direktor na si Darryl Yap.
Tungkol ito sa huling tatlong araw na pananatili ng pamilya Marcos sa Malacañang Palace noong panahon ng People Power EDSA Revolution mula February 23 hanggang February 25, 1986.
Ang mapayapang EDSA Revolution ang nagptalsik sa diktadurya ni Marcos Sr. pagkatapos ng 20 taong nasa puwesto.
READ: Diego Loyzaga makes amends with father Cesar Montano: "I apologise…"
Tampok din dito sina Ruffa Gutierrez bilang First Lady Imelda Marcos at Ella Cruz bilang Irene Marcos. Gaganap na kasambahay sina Karla Estrada, Beverly Salviejo, at Elizabeth Oropesa.
Sina Karla, Beverly, at Elizabeth ay kilalang tagasuporta ng pamilya Marcos.
Hangga’t hindi nauumpisahan at natatapos ang pelikula, ayaw munang magsalita ni Diego tungkol sa pagganap niya bilang Marcos Jr.
Pero sa isang Philippine Independence Day celebration noong June 12, 2022, nagsalita siyang isang malaking oportunidad na gampanan ang karakter bilang Marcos Jr. noong 29 years old pa lamang ito.
Pahayag ni Diego, "Alam ko din na darating ang araw, kung puwede kong suportahan ang pamilyang Marcos, susuportahan ko po talaga sila, at dumating po yung oportunidad na iyon.
"At salamat sa Diyos, binigyan Niya ako ng oportunidad na gampanan si Presidente Bongbong Marcos sa isang role at sa isang pelikula, so I’m happy, I’m thankful to be part of this family."
Deklarasyon pa niya: "Tawagin niyo rin po ako na loyalist po."
Hindi pa isinisilang si Diego noong 1986 EDSA Revolution dahil 1995 ang taon ng kanyang kapanganakan.
Ang Maid In Malacañang ang unang proyekto ni Darryl para sa 2022 dahil noong nakaraan na taon, anim na buwan siyang nagpahinga mula sa paggawa ng pelikula.
Pinagtuunan niya ng pansin ang kampanya ng mga sinuportahan niyang kandidato nitong nakaraang eleksyon.
Ang Maid in Malacañang ang unang pagkakataong makakatrabaho ni Darryl sina Diego, Cesar, at Ruffa sa isang "period movie."