Muling maglalabas ng show-cause order ang Land Transportation Office (LTO) para kay Jose Antonio Sanvicente ng Quezon City dahil sa hindi nito pagsipot sa kanilang tanggapan ngayong Martes ng hapon, June7, 2022, para magpaliwanag tungkol sa kasong hit-and-run na kinasasangkutan niya.
Si Sanvicente ang nagmamaneho ng Toyota RAV4, na may plate number na NCO 3781, na bumangga at sumagasa sa security guard na si Christian Floralde ng Raptor Security Agency sa insidenteng nangyari sa Mandaluyong City noong Linggo ng hapon, June 5.
Read: Security guard, walang awang ginulungan ng driver ng isang RAV4 SUV
Napukaw ang atensiyon at interes ng sambayanang Pilipino sa kaso ni Floralde dahil sa viral video ng nakapanglulumong pagsagasa sa kanya ni Sanvicente.
Nakaratay si Floralde sa ICU ng VRP Medical Center sa Mandaluyong City at naglagay ng bantay ang Raptor Security Agency para sa kanyang proteksiyon.
Ngayong Martes ng hapon, June 7, personal na nagsadya sa public-service program ni Senator-elect Raffy Tulfo ang kapatid ni Floralde na si Bryan para humingi ng tulong.
Sinabi ni Bryan na nagsadya sa ospital ang dalawang abogado ni Sanvicente para pag-usapan ang “settlement.”
Lahad niya, “Sabi sa akin, ‘Baka puwedeng i-settle na natin ito para may pambayad sa ospital,’ kaya hindi po ako pumayag. Ayoko po, lalaban po ako.”
Sinang-ayunan naman ito ni Tulfo.
Sabi ng incoming sentor, “Ise-settle para yung ibibigay na settlement sa inyo, yun ang ipambabayad sa ospital? Son of a b! Napakawalanghiya! Napakagago, ano? Sorry!
“Parang pine-pressure kayo? Sir, ako na po ang magbabayad sa ospital para hindi ka na ma-pressure,” pangako ni Tulfo sa kapatid ng biktima ng hit-and-run.
Sa pakikipag-usap ng abugado ni Sanvicente na si Atty. Danny Macalino kay Tulfo, sinabi nitong ang ama ng suspek ang kanyang nakakausap tungkol sa kaso.
Saad ng abugado, “We do not condone yung nangyari. He has to face the music. We told the father, if possible, ipa-submit sa jurisdiction ng police yung anak niya.
“That’s what we told the chief of police of Mandaluyong. Nagpasama kami sa isang staff ng police sa ospital para makita naming yung status ng biktima.
“Nandoon yung kapatid niya. Gusto ko lang malaman yung estado ng kapatid niya, e, ni magbigay ng comment, ayaw, so we did not press.”
Sinabi ni Macalino na hindi pa niya nakikita o nakakausap ang suspek pero businessman umano ito at thirty-plus na ang edad.
Hindi ang pagbangga at pagsagasa niya kay Floralde ang unang beses na nasangkot si Sanvicente sa kaso.
Kinumpirma ni Renante Militante, OIC ng Intelligence and Investigation Division ng LTO, na tatlong beses nang nagkaroon ng mga paglabag sa batas trapiko (reckless driving) si Sanvicente—noong 2010, 2015, at 2016—pero hindi napapawalang-bisa ang driver's license ng suspect.
Pahayag ni Militante kay Tulfo, “Sa tanong po kung bakit hindi pa nare-revoke [ang driver’s license] kasi po reckless driving, puwede niyang bayaran yung fines and penalty, kaya ngayon po, nakapag-drive pa siya.
“Pero Sir, dito po sa nangyari po na ito, I don’t think so na ganoon po uli ang mangyayari.
"Mahigpit po ang direktiba sa amin ni Asec. Galvante at saka yung aming acting Regional Director, si Atty. Clarence Guinto, nagkaroon kami ng further investigation, kinalkal namin ang records kaya nag-turn out po na may mga violation po.”
Tiniyak ni Militante na mapawawalang-bisa na ang drivers license ni Sanvicente dahil sa pagbangga at pagsagasa nito kay Floralde.