Sa tunay na buhay, naranasan ng cast members ng The Fake Life na magpanggap o maging fake dahil hinihingi ng pagkakataon.
Ito ang ibinahagi nina Tetchie Agbayani, Beauty Gonzalez, at Ariel Rivera, ang mga artista ng The Fake Life, ang afternoon drama series ng GMA-7 na mapapanood simula ngayong Lunes, June 6, 2022, pagkatapos ng Raising Mamay.
Kuwento ni Tetchie, “Minsan, gagawan ka ng pagkain ng anak mo. Alam mo, pinaghirapan niya yun. Inayos niya ng the best na kaya niya.
"Pero pagkagat mo, hindi masyadong okay, so pe-fake-in mo na masarap siya kasi ayaw mong ma-offend yung anak mo dahil pinaghirapan niya yung paghahanda ng pagkain.
"So, I think that’s the funny way of faking something in life."
Naranasan naman ni Beauty na magpanggap na magaling siyang magluto ng crispy pata, pero ang totoo, binili lamang niya iyon sa isang restaurant.
“Inilagay ko lang ulit sa kaldero and then, nahuli ako.
"Fake is not good kasi hindi niligpit ni Yaya yung plastic [na pinaglagyan ng crispy pata]. Nalaman na binili ko lang yung crispy pata,” lahad ni Beauty tungkol sa kanyang embarrassing experience noon.
Tungkol naman sa pag-iimbento ng lyrics ng kanta ang nakakatawang anekdota ni Ariel tungkol sa pagpapanggap niya.
“It just happens more frequently than I want to admit. When you’re doing a concert, you forget lyrics. Gumawa ka ng sarili mong lyrics!” sabi ni Ariel na sinundan nito ng malakas na halakhak.
“If you can’t perform, japorms!” natatawa pa ring kuwento ni Ariel.

Tetchie Agbayani, Ariel Rivera, Beauty Gonzalez
May cast member ng The Fake Life na nakatikim noon ng talak mula sa isang talent manager dahil sa kanyang "fake" na pag-uugali.
Maraming beses nang nagkikita ang dalawa at ipinakilala sa isa’t isa kaya nang magawi ang aktres sa isang photo studio, magiliw siyang inasikaso ng talent manager at pinakain ng pizza pie.
May pictorial sa nasabing studio ang alagang artista ng talent manager.
Nang malaman ito ng aktres na "fake" ang ugali, buong-ningning ang tanong nito sa talent manager: “Matagal ka nang PA?”
Muntik nang hablutin at bawiin ng talent manager mula sa kamay ng aktres ang pizza pie na ibinigay niya dahil sa kanyang narinig pero kumalma siya.
Hindi nainsulto ang talent manager na napagkamalan itong personal assistant, pero hindi niya matanggap na sa kabila ng maraming beses na pagkikita at pag-uusap nila, hindi siya natatandaan ng aktres.
Iniwasan ng talent manager na magkaroon ng gulo kaya isinumbong na lamang niya sa namamahala noon sa career ng aktres ang ginawa nito.
Nang magkita uli sila sa isang showbiz event, saka tinalakan ng talent manager ang aktres na iyak nang iyak habang humihingi ng paumanhin.