Nakatakda ang cremation sa mga labi ng celebrity makeup artist na si James Cooper ngayong Lunes ng umaga, May 30, 2022.
Magsisimula naman bukas, May 31, ang public viewing sa San Pablo Cathedral Mortuary, San Pablo City, Laguna.
Sumakabilang-buhay si James kahapon, May 29. Siya ay 73.
Read: Celebrity makeup artist and hairstylist James Cooper passes away
Nawalan ng malay si James habang nasa simbahan ng San Pablo Cathedral para sa isang Santacruzan, at isinugod siya sa Community General Hospital.
Ayon sa kanyang malapit na kaibigang si Egay Briones Victorio, maraming beses sinubukang i-revive si James pero tuluyan na itong binawian ng hininga.
Sa mga showbiz personality, si Maricel Soraino ang aktres na pinakamalapit kay James.
Nagsimula ang kanilang malalim na pagkakaibigan noong dekada '80.
Si James ang make-up artist ni Maricel sa maraming mga pelikula nito.
Naranasan niya noong lumabas sa "Sariling Dilim" episode ng The Maricel Drama Special, ang drama series ng Diamond Star na napanood sa ABS-CBN mula March 1989 hanggang May 12, 1997.

Isang maiksi pero madamdaming mensahe ng pamamaalam ang inilabas ni Maricel kagabi tungkol sa pagkawala ng kanyang pinakamamahal na kaibigan.
Mensahe ng aktres: “Thank you for the many years of love and friendship, and treating me like your own daughter.
"You are a big part of who I am today and I will be forever grateful. I love you my Mother Goose ...Till we meet again.”
LAST BIRTHDAY
Nagdiwang si James ng kanyang 73rd birthday noong May 18 sa piling ng kanyang mga kaibigan sa tahanan niya sa San Pablo City.
Noong May 22, nagpunta si James at ang mga kaibigan nito sa isang theme park sa Sta. Rosa City bilang pagpapatuloy ng selebrasyon ng kaarawan niya kaya ikinagulat nila nang husto ang kanyang biglang pamamaalam.
