Pinaratangang "vandal" si vice presidential aspirant Sara Duterte dahil sa kanyang mga isinulat sa arm chair na ginamit niya nang bumoto siya sa Daniel R. Aguinaldo National Science High School sa Davao City nitong Lunes ng umaga, May 9, 2022.
Para sa mga kritiko ni Duterte, “act of vandalism” ang kanyang ginawang pagsusulat sa arm chair ng "Mahalin natin ang Pilipinas" at nilagyan niya ng pirma.
May kuwento sa likod ng insidente dahil mismong ang pamunuan ng paaralan ang humiling kay Duterte na sulatan nito ng mensahe ang arm chair kaya pumalag ang supporters niya sa bintang na vandal siya.
Plano ng school officials na ilagay sa museum ng Daniel R. Aguinaldo National High School ang arm chair na ginamit ni Duterte sa pagboto, tulad ng ginawa nila sa silyang inupuan ni President Rodrigo Duterte nang bumoto ito noong May 9, 2016 sa naturang eskuwelahan at nanalong pangulo ng bansa.

Muling bumalik si President Duterte sa Daniel R. Aguinaldo National High School nitong Lunes ng hapon para bumoto.
Tulad noong May 9, 2016, pinapirmahan sa kanya ang arm chair na kanyang ginamit, ilang linggo bago ang opisyal na pagbaba niya mula sa puwesto.

Sa kasalukuyan ay nangunguna si Sara Duterte sa vice presidential race at malayo ang lamang niya sa kanyang mga kalaban.