Maayos na nairaos ang coronation ng Miss Universe Philippines 2022 na ginanap kagabi, April 30 sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Halos napuno ng mga tao ang venue dahil nasabik sila na makapanood ng live coronation ng isang national beauty pageant sa malaki at malawak na venue.
Alas-sais y medya ng gabi [6:30 pm] nang papasukin sa loob ng arena ang manonood pero hapon pa lang, marami na ang nag-aabang sa pagbubukas ng venue.
Napuno tuloy ng mga kostumer ang mga restaurant sa paligid ng pinagdausan ng coronation night ng Miss Universe Philippines 2022.
Nakita rin namin ang mga bus na sinakyan ng mga kababayan natin mula sa iba’t ibang probinsya na lumuwas sa Pasay City para suportahan ang kanilang mga kandidata.
Consistent si Narvacan Mayor Luis “Chavit” Singson sa pag-aasikaso kay Miss Universe 2021 Harnaaz Sandhu ng India dahil magkasabay silang dumating sa MOA Arena.
Si Singson ang sumundo kay Harnaaz sa India, gamit ang kanyang private plane nang dumating sa bansa noong April 24 ang reigning Miss Universe para maging isa sa mga hurado ng Miss Universe Philippines 2022.
Kasama ni Miss Universe Philippines 2020 Rabiya Mateo sa panonood ng koronasyon ng bagong Miss Universe Philippines ang kanyang boyfriend na si Jeric Gonzales.
Read: Rabiya Mateo, Jeric Gonzales spotted at Miss Universe PH 2022 pageant
Mula sa aming puwesto, kitang-kita namin ang public display of affection ni Rabiya kay Jeric dahil nakahilig ang ulo niya sa balikat ng aktor at magkahawak sila ng kamay habang nanonood.
Kaya hindi maitatanggi na in love na in love siya sa kanyang boyfriend.
Namataan din sa coronation night ng Miss Universe Philippines sina Rhian Ramos at Max Collins na binigyan ng moral support ang kanilang kaibigan na si Michelle Marquez Dee.

Nakita namin sa backstage ang grace under pressure attitude ni Michelle dahil may problema sa kanyang bikini bottom na suot para sa swimsuit portion.
Sa kabila nito, hindi siya nakitaan ng pagkataranta habang nagkakagulo ang mga kapwa niya kandidata sa paglalagay ng body oil sa kanilang mga katawan para magkaroon ng glowing effect habang rumarampa sila sa entablado.
Imbes na magpalit, tinahi na lamang ng isang production staff member ang suot ni Michelle na bikini bottom pero relaxed na relaxed siya, kahit tinatawag na ang Top 16 candidates na aakyat sa stage.
Glamorosa at poised na poised sa ibabaw ng entablado ang mga official candidate ng Miss Universe Philippines 2022 pero sa backstage, nakasalampak lamang ang pagkakaupo nila sa mga baytang ng hagdan paakyat sa stage dahil napagod sila sa matagal na pagkakatayo.

Hindi masyadong nakita sa television coverage ng Miss Universe Philippines 2022 na napanood ngayong umaga sa GMA-7 ang standing ovation ng MOA Arena audience nang lumabas sa stage si Miss Universe Philippines 2021 Beatrice Luigi Gomez para sa farewell interview sa kanya.
Ang mga host na sina former Miss Universe winners na sina Pia Wurtzbach, Iris Mittenaere, at Demi Leigh Nel-Peters-Tebow ang um-interview kay Beatrice.
Malakas na palakpak at standing ovation ang tinanggap ng openly bisexual beauty queen mula sa mga manonood dahil sa kanyang tuxedo outfit na pagbibigay-pugay niya sa LGBTQ community.

Sa mga host ng Miss Universe Philippines 2022, si Pia ang most photographed sa backstage.
Dahil ito sa mga damit na kanyang ginamit na “homage" niya sa gowns na ginamit sa Miss Universe ng past Filipina winners na sina Miss Universe 1969 Gloria Diaz, Miss Universe 1973 Margarita Moran, at Miss Universe 2018 Catriona Gray.

Isa si Arthur Nery sa mga featured performer. Napatunayan ang popularidad sa kasalukuyan ng Cagayan de Oro-based singer dahil sa masigabong palakpakan at malakas na sigawan ng audience na nakisabay sa pagkanta sa kanyang hit song.