Olongapo City-based ang HOOD 047 ng Viva Records at sampung taon na ang nakalilipas mula nang itatag nila ang kanilang rap and hiphop music group pero noong March 2022 lamang sila nagkaroon ng mga hit song—ang "Alak Pa" at ang "Wasted."
Sulit na sulit ang matagal na panahong paghihintay ng HOOD 047 sa malaking break nila sa music industry dahil sikat na sikat na rin sa iba’t ibang mga bansa ang kanilang mga kanta tulad ng "Wasted" na meron nang 8.3 million views sa YouTube at popular na popular sa TikTok.
Kontrobersyal ang "Wasted" dahil bukod sa may mga mura ang lyrics, tinawag nila na manloloko ang mga kababaihan sa Verse 3 ng nabanggit na kanta.
“Tuloy lang sa inuman hanggang bumaha ng alak paikutin mo na lang ‘yan.
“Wala tayong pake kahit abutin ng umaga mag damag kang dadamayaaaan (Yeah)
“Tang*nang mga babae ‘yan (babae ‘yan), puro manloloko ‘yaaaan alam ko ‘yan, hindi na bago kung paulit-ulit talo okay na ako mag-isa dahil sawa na ako sa bangayan
“Wag n’yo nga kong ginagagoooo, alam ko na yung mga planooo pag ako nainis p*t*ngina n’yong lahat damay-damay na tayoooo!” ang brutal na lyrics ng Verse 3 ng "Wasted" na isinulat ni Richard Olami aka Kushin na may ibinigay na paliwanag tungkol sa kanilang controversial viral song.
Paliwanag niya, “Bawat verse sa 'Wasted' merong kanya-kanyang saloobin, like, about sa tropa na matagal na hindi nagkikita dahil sa pandemic. It’s about missing your friends.
“For me, Verse 3 is about sa lalake na nawalan na ng tiwala sa mga babae dahil sa ilang beses nang nabigo sa pag-ibig.”
Hindi ba nagalit ang mga moralista at ang mga tagapagtanggol ng mga kababaihan dahil sa pahayag nilang manloloko sila?
“Yung mga babae pa ang karamihan sa nagse-share kasi mismo sila sa sarili nila, nakaka-relate sa mga kaibigan nila.
“If you will notice, sobrang dami ngayon ng mga babae na para lang sa pera, hindi sila para sa love, so ang daming na-experience nang ganoon.
“Kumbaga, makaka-relate talaga sa mga sinabi ko pero hindi naman nangyari sa akin. Nakita ko lang sa mga nangyari sa mga kaibigan ko,” ang depensa ni Kushin sa Verse 3 ng "Wasted" na isinulat niya.
“Ang message ko is hitmaker talaga. Kapag napakinggan ng mga tao, sasabihin nila na ‘Uy, tang*na, ito yung kakaibang lyrics kasi nagmura.’
“Naagaw yung pansin nila, ang angas. Talagang totoong-totoo, reality!
“Mostly, yung mga sumisikat ngayon sa social media, mga nagmumura sila sa vlog, sa ukay-ukay [live selling], yung mga matatanda nagmumura, minumura yung mga anak nila. Isa po sa mga secret marketing yung ganoong lyrics,” dagdag na pahayag ni Kushin na nangakong hindi na nila pakakawalan ang suwerteng dumapo sa grupo nila noong nakaraang buwan, makalipas ang sampung taon na paghihintay para tangkilikin ng publiko ang kanilang musika.
“Matagal kaming naghintay. Hawak na namin, so pababayaan pa ba namin na mawala pa?
“Alam na namin ang pattern. Hindi naman po kami yung pumutok lang nang tsamba o kahapon lang.
“Kumbaga, inakyat talaga namin hanggang malaman namin, kaya nung inalabas namin yung 'Alak Pa,' viral song kaagad,” ani Kushin.
Tiniyak ng mga miyembro ng HOOD 047 na maaaring patugtugin sa mga radio station ang kanilang mga brutally frank songs dahil gumawa rin sila ng mga sanitized version nito.