Ang pelikulang 366 ang directorial debut ni Bela Padilla at siya rin ang lead actress.
Kaya naman naging challenge sa kanya na “mag-switch” mula sa pagiging direktor at lead actress ng proyekto nung nag-umpisa ang shooting nila.
Sina JC Santos at Zanjoe Marudo ang leading men ni Bela sa 366, at si Zanjoe raw ang nakasaksi sa mga karanasan niya bilang first-time movie director.
"Si JC, suwerte, lahat ng eksena niya kinunan namin after ng mga eksena namin ni Zanjoe.
"I guess si Zanjoe ang nakasalo ng lahat ng first experiences ko as a director. Parang siya ang naka-witness ng lahat ng first stages hanggang naging comfortable ako.
"Sinuwerte si JC in that aspect kasi pagdating ko sa kanya, sa lahat ng mga eksena niya, I guess alam ko na ang mga ginagawa ko,” ang kuwento ni Bela tungkol sa mga unang araw ng shooting ng 366.
Hindi nakalimutan ni Bela na banggitin na may mga pagkakataong nahuli niya ang sarili na pinapanood ang pag-arte ni Zanjoe dahil nangingibabaw ang kanyang pagiging direktor, kahit kasama siya sa mga kinukunan na eksena.
"Si Zanjoe, lalo na yung mga eksena na mabibigat, nag-iiyakan kaming dalawa. Minsan, napansin ko, pag-shot niya, nanonood ako.
"Pinapanood ko yung ginagawa niya, and ine-edit ko siya sa utak ko na ito yung gusto kong performance na ibibigay niya sa akin.
"Nakakalimutan ko na, 'Teka lang, co-actor niya ako dito sa scene na ito, and I can’t just watch him. I have to react para makakuha siya ng emotion sa akin.'
"I caught myself doing that twice, pinapanood ko ang eksena, imbes na umaarte ako with him. But he was still very professional about it. I was able to get the emotion that I wanted from him for those scenes.”
Tanggap ni Bela na marami pa siyang dapat matutunan bilang direktor kaya nagpapasalamat siya sa suporta na ibinigay sa kanya ng production team niya na sobrang propesyonal, pati na ng direktor na si Irene Villamor.
“Irene is our creative director. And, of course, we know Direk Irene as one of my best friends also. She is my mentor. Yung mga eksena na kasali ako, siya yung sumisigaw ng action.”
Si Irene ang nagdirek ng mga pelikula ni Bela na On Vodka, Beers, and Regrets (2020) at Meet Me in St. Gallen (2018).
Nangyari ang panayam na ito kay Bela sa presscon ng kanyang pelikula.