Pumasok na sa ulo ng isang aktor ang kasikatan dahil pahirap siya sa mga kasamahan niya sa trabaho, sa telebisyon at pelikula.
Maraming beses na hindi natuloy ang shooting ng isang pelikula, kahit handang-handa na ang production staff at ang co-stars ng aktor dahil madalas na nagkakaroon ng conflict sa kanyang taping schedule.
Naging maarte na ang aktor dahil hindi na siya kumakain ng packed meals kaya nagpapabili ang namamahala sa produksiyon ng mas masasarap na pagkain para lamang sa aktor.
Napansin ang mabilis na pagbabago ng ugali ng aktor nang mabigyan siya ng magagandang role sa mga pelikula at TV series.
Hindi lamang ang kagandahang-asal ang nawala sa aktor dahil may akting na ang pagsasalita at mga facial expression niya kahit walang mga kamera sa kanyang harapan.
Trying hard na rin siya dahil may American accent na ang kanyang mga pananalita na punumpuno ng confidence, pero sumisirko ang mali-maling grammar niya.
Kalat na kalat na ang “diva” attitude ng aktor kaya nabawasan na ang mga alok na proyekto sa kanya dahil natakot ang mga movie producer na maging biktima niya.
Hindi mahahalata sa mga interbyu sa aktor ang ugali nito na kinasusuklaman ng mga katrabaho niya dahil nagbabait-baitan siya at madalas na tungkol sa pagmamahal sa propesyon ang kanyang bukambibig.