Nakilala sa buong mundo si Simon Leviev, a.k.a Shimon Hayut, dahil sa Tinder Swindler, ang Netflix documentary na nagbulgar ng mga panloloko niya sa mga kababaihan na kanyang nakilala sa online dating app na Tinder.
Anak ng Israeli businessman at King of Diamonds na si Lev Leviev ang pakilala ni Simon sa Tinder, at marami ang naniwala dahil sa kanyang pagsusuot ng designer clothes at pagkakaroon ng lavish lifestyle.
Pero kapag nakuha na ni Simon ang tiwala ng mga nakakarelasyong babae, nag-uumpisa na ang problema dahil nag-uumpisa na ang kanyang pangungutang ng pera at mga emotional blackmail.
Noong 2019, dinakip si Simon, sinampahan ng fraud case dahil fake ang Israeli passport na hawak niya. Pinatawan siya ng labinlimang buwang pagkakakulong pero nakalaya makalipas ang limang buwan at muling namuhay nang marangya.
Nag-umpisa ang Netflix streaming sa Tinder Swindler noong February 2, 2022 kaya nagtagumpay ang mga biktima ni Simon na ipaalam sa buong mundo ang kanyang kasamaan.
Pero imbes na lalong mawasak ang reputasyon ng convicted fraudster, kabaligtaran ang nangyari dahil sumikat pa siya.
Dahil sa Netflix documentary, nakahanap na si Simon ng Los Angeles-based talent agent na tutulong para matupad ang pangarap niyang makapasok sa Hollywood at para ipaalam sa buong mundo na walang katotohanan ang mga akusasyon laban sa kanya na napanood sa Tinder Swindler.
“I’m not a fraud and I’m not a fake. People don’t know me — so they cannot judge me,” depensa ni Simon sa sarili.
Tatlo sa mga babaeng nagkaroon ng kaugnayan kay Simon ang nagkuwento sa Tinder Swindler ng malungkot na karanasan nila.
Hanggang ngayon, isa sa kanila ang patuloy na nagbabayad ng mga utang dahil sa malaking halaga ng pera na nakuha mula sa kanya ng 31-year-old convicted fraudster.
Kung tutuusin, may kasalanan din ang mga biktima sa nangyari sa kanila dahil nagtiwala sila, nagpasilaw sa mga mamahaling damit, sasakyan at eroplano na ginamit ng akusado sa panlilinlang at, higit sa lahat, nangibabaw ang attraction nila kay Simon.
Isang sikat na aktres ang nakapanood sa Tinder Swindler, at sinisisi niya ang mga babaeng naging biktima ni Simon dahil hinayaan nilang maloko sila.
“Walang maloloko ang mga manloloko kung walang magpapaloko,” makahulugang salita ng aktres.
Alam ang kanyang sinasabi dahil nilapitan siya noon para hingan ng tulong ng aktor na isang beses lamang niyang nakasama sa show.
Gulat na gulat ang aktres nang dumating sa tahanan nito ang aktor dahil hindi naman niya ibinigay rito ang kanyang home address.
Lalong nabigla ang aktres nang malaman niya ang pakay ng aktor—nangungutang ito ng pera. Hindi two thousand, hindi twenty thousand, at lalong hindi P200,000 ang halaga dahil dalawang milyong piso ang inuutang mula sa kanya.
Umuwing luhaan ang aktor dahil hindi siya pinahiram ng aktres na nawindang sa mga pangyayari.
Una, hindi sila close.
Pangalawa, minsan at sandali lamang ang pinagsamahan nila sa show kaya para sa kanya, hindi tama ang kapangahasang ipinamalas ng aktor.
Hindi ang aktres ang tipo na mauutakan ng lalake sa pera dahil "red flag" para sa kanya kapag nagsimula na ang madalas na pangungutang ng mga kalalakihan sa mga nakakarelasyong babae. Kaya ni katiting, hindi siya nakonsensiya nang biguin niya ang aktor sa pangungutang nito.