Hindi pa humuhumpa ang galit ng maraming mga empleyado ng ABS-CBN kay Toni Gonzaga.
Lubos na nasaktan ang ABS-CBN employees dahil ang actress-host ang nagpakilala kay SAGIP Party-list Representative Rodante Marcoleta bilang isa sa mga senatorial candidate ng UniTeam, ang partido nina Ferdinand Marcos Jr. at Sara Duterte na nagkaroon ng proclamation rally sa Philippine Arena noong February 8, 2022.
May pinanggagalingan ang malalim na tampo ng Kapamilya employees at talents kay Toni dahil si Marcoleta ang isa sa mga nanguna at naging aktibo para hindi mapagkalooban ng bagong franchise ang ABS-CBN sa makasaysayang pagboto ng mga miyembro ng House of Representatives noong July 10, 2020.
Kahapon, February 9, nagbitiw si Toni bilang host ng Pinoy Big Brother dahil sa lumalakas at tumitinding batikos laban sa kanya, hindi lamang ng mga Kapamilya worker kundi pati ng netizens na hindi matanggap ang ginawa niya.
Panawagan ng ABS-CBN loyalists at sympathizers, hindi na dapat pabalikin o bigyan si Toni ng mga programa sa Kapamilya Channel.
Pero tila malabong mangyari ang kanilang kagustuhang kanselahin at tuluyan nang burahin sa mundo ng telebisyon ang controversial TV host-actress dahil sa makahulugang Facebook post ni former DPWH Secretary at senatorial candidate Mark Villar ngayong Huwebes, February 10.
Caption ni Mark sa larawan nila ni Toni at ng misis niyang si Emmeline Aglipay: “Forever grateful for the support and friendship Toni! We are always 100% behind you.”
Ang Advanced Media Broadcasting System (AMBS) na pag-aari ng ama ni Mark na si Manny Villar ang pinagkalooban ng pamahalaan ng broadcast frequencies na dating ginagamit ng ABS-CBN.
Hindi man makabalik si Toni sa Kapamilya Channel, malaki ang posibilidad na magkaroon siya ng programa sa AMBS na mapapanood sa Channel 2.
Matibay na basehan nito ang pahayag ni Mark na “We are always 100% behind you.”
Kailangan ng AMBS ng mga personalidad na magiging mga poste ng kanilang network at magbibida sa mga programa.
Bukod kay Willie Revillame, hindi imposibleng kunin ng mga Villar ang serbisyo ni Toni para sa AMBS.
Kapag nangyari ito, pansamantala lamang na hindi maririnig at mapapanood sa telebisyon ang greetings na kanyang-kanya lang, ang "Hello Philippines! Hello World!"
Ang kapatid ni Mark na si Las Piñas Representative Camille Villar ang isa sa 70 kongresista na bumoto para tuluyang ibasura ang franchise renewal application ng kinabibilangang TV network ni Toni sa loob ng 17 taon, ang ABS-CBN.