Masayang-masaya si Dolly Anne Carvajal dahil nakikita niya na maligaya ang kanyang anak, ang former child actor na si IC Mendoza, sa piling ng boyfriend nito na si Rick Antoni Tropicales.
Ipinakilala ni IC sa publiko ang kanyang medical student boyfriend sa pamamagitan ng isang exclusive interview sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kahapon, January 20, 2022.
Ngayong Biyernes, January 21, eklusibo ring nakausap ng PEP.ph ang entertainment columnist na si Dolly Anne.
Botong-boto si Dolly Anne sa pagmamahalan ng dalawa.
Kung sakaling magdesisyon sina IC at Rick na magpakasal, pabor din siya.
"Ako pa, kunsintidorang ina? No need for pre-nuptial agreement. Kapag na-in love, dapat full emotional and financial investment.
"Material stuff are immaterial naman kapag in love talaga.
"Kahit not much money to count, basta you can count on each other through thick and thin, sick or sin," prangkang sabi ni Dolly Anne.
Dagdag pa niya hinggil sa same-sex relationship ng anak, "I’m super happy for him and Rick. Vicarious thrill na lang ako sa kanila since quotang-quota na ko sa love life.
"Talagang na-activate ang love life ni IC in the time of COVID-19."

PROUD MAMA
Tatlong taon si IC nang magsimula ang showbiz career nito.
Hindi nalilimutan ni Dolly Anne na apat na taon ang kanyang anak nang mapanalunan nito ang unang acting award para sa 18th Metro Manila Film Festival noong December 1992.
Nagwagi si IC na best child performer para sa kanyang mahusay na pagganap sa Shake, Rattle & Roll 4, ang official entry ng Regal Films sa 1992 Metro Manila Film Festival.

Bata pa lang si IC, tanggap na tanggap na ni Dolly Anne na gay ang kanyang panganay na anak na ipinagmamalaki niya sa lahat ng aspeto.
"As I always say, because of IC, I know for sure that the best men are gay.
"Para kaming may daily sitcom at home. Having a gay son is so much fun.
"Too bad, not all mothers get to experience it.
"Para akong may fashion stylist, clown, love guru, drinking budddy, TikTok instructor, chef, etcetera, all in one."