Tiyak na ikinatuwa ng mystery Kapuso actor ang pagbibigay-pugay sa kanya ni Dingdong Dantes sa nakaraang virtual media conference ng I Can See You: AlterNate.
Kambal ang karakter na ginagampanan ni Dingdong sa bagong episode ng I Can See You na mapapanood simula ngayong Lunes ng gabi, 8:50 p.m., January 10, 2022 sa GMA-7 kaya may stand-in actor siya na halos kapareho niya ang height at hugis ng katawan.
Binigyan ni Dingdong ng importansiya ang stand-in nito nang sabihin niyang hindi mabubuo ang AlterNate kung wala ang partisipasyon ng kapwa Kapuso actor na literal na alternate niya.
“Napakahusay and I respect him so much and excited na excited ako na maipakilala siya sa inyo soon!” pahayag noon ni Dingdong tungkol sa mystery actor.
Alam na namin ang katauhan ng mystery actor, pero may ibang plano ang production staff kaya hindi pa nila isisiwalat sa publiko sa lalong madaling panahon ang pangalan niya.
Totoong kasing-tangkad ni Dingdong ang alternate actor niya na halos dalawang dekada nang contract star ng GMA Network Inc.
Maraming beses nang nagbida ang aktor sa mga drama series ng Kapuso station.
Hindi nakapagtataka kung ang kanyang karakter sa AlterNate ang pinaka-challenging. Bukod sa nakatalikod siya sa lahat ng mga eksena nila ni Dingdong, hindi ipinakita ang kanyang mukha at hindi narinig ang boses niya.
Hindi lamang umaarte ang aktor dahil kumakanta rin siya at kilala sa mahusay na pagtugtog niya ng gitara.
Kung puwede lang magsalita ang mystery actor, siguradong sasabihin niya na isang malaking karangalan din na siya ang napili bilang stand-in ni Dingdong sa AlterNate.