Reunion project ng former couple na sina Ricky Davao at Jackie Lou Blanco ang I Can See You: AlterNate, ang primetime drama series na pinagbibidahan ni Dingdong Dantes at mapapanood sa GMA-7 simula sa January 10, 2022.
Huling nagkasama sina Ricky at Jackie Lou sa Captain Barbell, ang drama/action/fantasy series ng Kapuso Network na napanood mula May 2006 hanggang January 2007.
Masayang-masaya si Jackie Lou dahil nabigyan uli siya ng pagkakataong makatrabaho bilang artista ang kanyang ex-husband makalipas ang labing-anim na taon.
“I am very happy that we were given the chance to work together again after so long, super long.
“I think the last time I worked with Direk Ricky was as an actress, Captain Barbell, but he got the chance to direct me in one soap.
“Napakadali naman katrabaho ni Direk Ricky ‘coz he’s very professional and wala kaming naging problema.
“Siguro nakakapanibago lang in the beginning kasi matagal kaming hindi nagkatrabaho, pero after that, okay,” kuwento ni Jackie Lou, na matunog na "Direk Ricky" ang tawag sa dating asawa niya.
Year 2016 nang aminin ni Jackie Lou sa entertainment press na hiwalay na sila ni Ricky. Hindi na raw niya matandaan ang dahilan pero nakuha nila ang respeto ng publiko dahil sa kanilang tahimik na separasyon.
Mag-asawa ang mga karakter na ginagampanan ng dalawa sa AlterNate at, ayon sa aktres, mahusay na aktor talaga si Ricky.
Sabi ni Jackie Lou, “Usually nga, after naming gumawa ng scene, sasabihin ko agad sa mga anak ko, 'Grabe, ang galing talaga ng tatay niyo. Meron na naman siyang ibinigay na hindi ko ine-expect.'
“I mean, Ricky is such a good actor. Always has been so wala na akong masasabi.”
Papuri rin sa kanyang ex-wife ang narinig mula kay Ricky na may anekdota tungkol sa mga anak nilang tinawag niyang mga "Marites."
Sabi ng aktor, “Madaling katrabaho naman si Jackie. Unang-una, magaling na artista. Tapos napakaganda rin ng materyal namin, yung mga eksena namin, hindi yung usual kaya nakaka-excite.
“[Saka] merong nagba-back up na team. Yung mga anak namin, palaging nagte-text, tumatawag, 'What happened to Mama and what was your eksena?'
“Tapos, may eksenang sasampalin, ‘Are you going to slap Mama for real? Did you shout at her?’
“Yung mga anak ko kasi, Marites.”