Sa kagustuhang mapasaya ang kanyang social media followers at sa hangaring matupad ang pangarap maging Elsa, ang popular Disney character sa pelikulang Frozen, lumabas si Ai-Ai delas Alas sa tahanan nila ng kanyang asawang si Gerald Sibayan sa Northern Virginia, USA para i-video ang pagkanta niya ng "Let It Go" habang umuulan ng makapal na yelo.
Sa ngalan ng "sining," tiniis ni AiAi ang napakalamig na panahon para mabigyan ng katuparan ang kanyang pangarap.
“Inabangan ko talaga ang pag-ulan ng snow para ma-experience ko for the first time.
“Actually, noong Christmas ko pa hinihintay ang pag-ulan ng yelo kaya bumili ako ng wig at costume ni Elsa, pero hindi natuloy ang pag-snow.
“Ang sabi sa weather forecast, sa January 9 pa uulan ng yelo, e, nasa Los Angeles ako sa date na yun kaya nawalan na ako ng pag-asa.
“Pero kanina [Lunes ng umaga sa Amerika, January 3], biglang umulan ng yelo. Hindi ko talaga pinalampas kahit sobrang lamig dahil -2 ang temperature.
“Hindi ko masyadong ininda yung lamig dahil sobrang excited ako, pero tatlong patong ang suot kong damit,” parang batang kuwento ni Ai-Ai sa Cabinet Files tungkol sa kanyang unang snow experience at pagpapanggap niyang siya si Elsa.
Hindi naging madali para kay Ai-Ai ang magtanghal sa gitna ng umuulan na yelo dahil sa madulas na kalsada. Take two rin ang kanyang performance dahil nahirapan siyang i-edit ang video niya.
“Kinakabahan ako kasi baka madulas ako. Baka mabagok ang ulo ko kaya hindi ako masyadong makagalaw, puro kamay lang. Hindi ko naman pinangarap na naging Elsa nga ako pero injured naman.
“Naglagay rin ako ng alkamporado sa likod dahil baka malamigan ako at magkasakit. Marami nga akong views pero may sakit naman ako?
“Pagpasok ko ng bahay, basang-basa ang laylayan ng gown ko, as in tubig talaga. Ang galing, naging tanga na naman ako!” tawang-tawang kuwento ni Ai-Ai tungkol sa mga ginawa niya para lamang maging Elsa siya sa loob ng tatlong minuto.
Natutuwa si AiAi dahil sa pamamagitan ng "Let It Go" music video, napatawa niya ang ating mga kababayan na nagpapasalamat sa kanyang naisip na paandar.