Anim na taon na ang pagmamahalan ni Juliana Parizcova Segovia at ng kanyang boyfriend.
Pero hindi siya katulad nina Vice Ganda at Chad Kinis na bukas na aklat sa publiko ang pakikipagrelasyon—si Vice kay Ion Perez at si Chad kay Nikko Alano Chua.
Ipinagtapat ni Juliana na natatakot siyang ilantad at ipakilala sa mga tao ang kanyang karelasyon dahil baka maging biktima ito ng netizens na mapanghusga.
"Actually, ang love life ko, we’ve been together for almost six years na, pero gusto ko ng private," sagot ni Juliana nang itanong ng Cabinet Files kung masaya siya noong nakaraang Pasko.
Bilang patotoo, sinabi ni Juliana na kilala ng kanyang Sanggano, Sanggago’t, Sanggwapo: Aussie! Aussie! O Sige co-stars na sina Rose Van Ginkel at Dennis Padilla ang boyfriend niya na walang kinalaman sa showbiz.
“Kilala siya nina Rose, Kuya Dennis… Nung birthday ko kasi, magkakasama kami.
"Pero hindi ko siya ipina-public kasi ayoko. Baka hindi niya kayanin yung netizens," katuwiran ni Juliana kaya walang alam ang publiko tungkol sa love life niya.
BETTER FUTURE
Sunud-sunod ang mga pelikulang ginawa ni Juliana ngayong 2021, pero wala siyang gantimpala para sa sarili dahil pinag-iipunan niya ang pagkakaroon ng sariling bahay.
“Never akong nagkaroon ng New Year’s resolution o bucket list. Pero sa sobrang dami ng pinagdaanan ko this year, parang this time, mas gusto kong magkaroon ng mas maayos na plano yung magiging buhay ko sa 2022.
“I am looking forward for a better future. Gusto ko ng mas challenging roles sa movies at sana ma-achieve ko na ang pinakapangarap namin ng nanay ko na magkabahay.
“Wala akong reward pa sa sarili ko. Wala pa sa ngayon, pero meron akong pinag-iipunan na hindi para sa akin.
"Kasi, lagi akong naniniwala na kailangan kong alagaan ang sarili ko para maalagaan ko ang nanay ko.
"So, meron akong pinaglalaanan na something para sa akin dahil, for sure, ang magbe-benefit ang nanay ko,” pahayag ni Juliana, na nag-iisang anak ng kanyang mapalad na nanay.