Isang milestone para kay Sunshine Guimary ang guesting niya sa Dear Uge.
"I feel so grateful na nabigyan ako ng ganitong pagkakataon kaya sabik ako na gawin at pagbutihin ang trabaho ko.
"Hindi ko inakala na darating ang panahon na makikita ko ang sarili ko sa show ng GMA-7 na dream come true kaya thankful ako sa lahat," ang sabi ni Sunshine sa pamamagitan ng kanyang VIVA handler na si Caryl Paraico, na nakausap ng Cabinet Files sa Facebook messenger.
Ang pagkikita nila nang personal ni Eugene Domingo ang itinuturing naman ni Sunshine na highlight ng guesting nito sa sa Sunday afternoon comedy anthology ng GMA-7.
Si Eugene ang host ng Dear Uge at ang kabutihan niya ang nagmarka sa isip ni Sunshine nang magkasama sila sa set ng naturang programa.
“Yun ang pinaka -favorite part ko sa guesting ko sa Dear Uge, ang makita nang personal si Ms.Eugene. Napakabait niya. Binigyan pa niya kami ng macaroni salad.
“Sobrang suwerte namin sa kabaitan niya. Good vibes siya, napaka-humble at down-to-earth,” ang kuwento pa ni Sunshine.
May dahilan ang kaligayahang nararamdaman ni Sunshine sa "wholesome guesting“ niya sa Dear Uge dahil maaari na itong panoorin ng kanyang pamilya at mga pamangkin.
Ang sex comedy movie na Kaka ang unang proyekto ni Sunshine bilang sexy star.
Noong May 29, 2021, ini-release ito sa Vivamax pero pinagbabawalan ng lead star ang sariling pamilya na panoorin ang kanyang pelikula dahil sa tema nito.
Kahit baguhan, tatlo agad ang pelikulang pinagbidahan niya—ang Kaka, House Tour, at Shoot!Shoot: Hindi Ko Siya Titigilan.
Palaban sa paghuhubad ang image ni Sunshine na malayung-malayo sa konserbatibo niyang personalidad sa tunay na buhay.
Kaya naman ikinatutuwa niya na puwedeng-puwedeng panoorin ng kanyang pamilya ang episode ng Dear Uge na ipalalabas ngayong Linggo ng hapon, December 12, 2021.
"Sobrang excited at proud ako na sabihin sa family ko at sa mga pamangkin ko na panoorin nila ako sa Dear Uge dahil masaya ang story. May kulitan, kalokohan pero good vibes, at, siyempre, may lesson kaya excited ako na ipapanood sa kanila.”
PLANS FOR CHRISTMAS
Samantala, makabuluhan ang pagdiriwang ni Sunshine sa darating na Pasko dahil naging maganda ang pasok niya sa showbiz. Wala sa kanyang pangarap na maging aktres, pero nabigyan siya ng malaking oportunidad.
Sa nalalapit na Pasko, plano ni Sunshine na magsimba at magkaroon ng reunion ang buong pamilya niya bilang pasasalamat sa lahat ng mga biyaya na kanyang natanggap sa 2021.
"Simple lang ang gusto ko sa Christmas, ang makasama ang pamilya ko at magsimba para magpasalamat sa Diyos dahil isa na akong ganap na artista.
"Gusto ko na maging memorable ang Christmas ko kaya magse-celebrate kami sa pamamagitan ng family reunion. Pagsasama-samahin ko ang buong angkan ko.”