Inamin ni Kristoffer Martin noong January 21, 2021 sa news program na 24 Oras ng GMA-7 ang pagkakaroon niya ng anak, ang 4-year-old na si Precious Christine, pero hiwalay na umano sila ng ina ng bata.
Noong February 16, 2021, eksklusibong nakapanayam ng PEP si AC Banzon, ang ex-live in partner ni Kristoffer at siya ang nagsiwalat na tumagal ng pitong taon ang kanilang relasyon na humantong sa hiwalayan dahil may sangkot na third party na hindi niya pinangalanan.
Ikinuwento ni AC na biglang nagbago ang pagtingin sa kanya ni Kristoffer matapos ang lock-in taping nito noong December 2020 para sa afternoon drama series ng GMA-7, ang Babawiin Ko Ang Lahat.
Ayon kay AC, si Kristoffer ang nagdesisyon na wakasan ang kanilang relasyon dahil napagod na ang aktor at naging opisyal ang paghihiwalay nila noong December 19, 2020 matapos ang limang taong pagsasama sa iisang bubong.
Noong April 2021, umamin si Kristoffer sa guesting nito sa The Boobay and Tekla Show tungkol sa relasyon nila ni Liezel Lopez, ang co-star niya sa Babawiin Ko Ang Lahat pero hindi nagtagal ang kanilang pagsasama dahil naghiwalay rin sila makalipas ang tatlong buwan.
Noong July 26, 2021, nagbalik-loob sa Diyos si Kristoffer nang umanib ito sa isang religious community na malaki ang kinalaman sa kanyang pagbabagong-buhay at sa reconciliation nila ni AC.
Kahapon, November 20, ang 27th birthday ni Kristoffer na ipinagdiwang nito sa isang beach resort sa Bohol, kasama si AC at ang kanilang anak na babae.
“27, with my life and my anchor. It’s been rough, but we’re still here. These two has been the strongest people I know. Thank you for your unconditional love.
“Lord, iba ka kumilos. Salamat Lord sa mga pinaintindi mo sakin. Di mo ko iniwan from the start. I will forever trust you Lord.
“First family trip nitong pandemic. Deserve natin tong tatlo,” ang caption ni Kristoffer sa kanyang birthday post sa Instagram na kumpirmasyon na buo na uli ang pamilya nila ni AC na may sariling IG post na may pahayag na “ A few big bumps along the road and yet we’re still here. Happy birthday.
Hindi lamang ang mga tagahanga ni Kristoffer ang natuwa sa panibagong yugto ng kanyang buhay dahil maligayang-maligaya rin para sa kanila ni AC ang mga kapwa artista na kaibigan niya gaya nina Jason Abalos, Mark Herras at Rodjun Cruz.