Macho dancer ang role ni Edgar Allan Guzman, a.k.a. EA, sa Macho Dancer Raw Ako?, ang episode ngayong Linggo ng hapon sa Dear Uge, ang comedy anthology ni Eugene Domingo sa GMA-7.
Hindi nagdalawang-isip si EA na tanggapin ang karakter ng macho dancer na kumikita ng pera sa pamamagitan ng online performances. Desidido na raw kasi siyang magpaseksi at gampanan ang mga mapapangahas na papel.
"Actually, sakto yung offer nila na guesting sa akin dahil nasa stage na ako ngayon ng career ko to go sexy. Nag-okay po ako agad, hindi na ako nag-isip pa,” ang sabi ni EA sa exclusive interview sa kanya ng Cabinet Files.
Gumawa si EA ng ingay kamakailan dahil ginulat niya ang publiko nang lumabas ang mga sexy pictorial para sa isang sikat na underwear brand.
Aniya, "Noong in-offer sa akin, tinanggap ko agad. This is something new para sa akin.
"Naisip ko na it’s about time na magpa-sexy na ako para may bago akong ma-offer sa mga tao. Kumbaga, gusto ko rin ipakita sa mga tao ang matapang at confident na EA pagdating sa pagpapasexy."
Sa tingin ng 32-year-old star, malaki ang kinalaman ng sexy photo shoot niya sa pagpili sa kanya para gumanap na macho dancer sa Dear Uge episode. At wala rin daw siyang biases sa mga kalalakihang kumakapit sa patalim ngayong panahon ng pandemya at pumapayag sa mga "online sexy show."
Aniya, "Nirerespeto ko po kung ano man yung trabaho nila. Hindi ko po sila masisisi dahil choice nila iyon. I think, wala ako sa posisyon para i-judge or sisihin sila. Ang mapapayo ko lang po is laging mag-ingat sila."
Ano ang mga paghahandang ginawa niya bago ka sumabak sa pagpapasexy?
"Kumuha ako ng instructor para mapaganda at maging sexy ang katawan ko. Work out kami at home via Zoom dahil sarado ang mga gym.
"Ang pinaka-importante din is yung diet, as in no carbs ako for two months. Chicken, fish, and eggs lang ang kinakain ko for two months. Talagang pinaghandaan ko po talaga."
Ano ang reaksiyon ng publiko sa reinvention niya?
"For me, yung pinaka-flattering, marami ang nag-comment na 'sexy ako' at sakto lang yung pagka-built ng katawan ko.
"Ang sarap lang sa feeling kasi naging maganda ang outcome ng mga pinaghirapan ko.
"At ang pinaka- funny naman is, 'Ang sarap mo, EA!'
"Ang sarap lang din na basahin,” ang tawang-tawa na kuwento ni EA.