Hindi sinasadyang nagkaroon ng “special participation” si Xian Lim sa pagbubuntis ni Ryza Cenon, ang Ultimate Female Survivor ng Season 2 ng StarStruck, at ni Jennylyn Mercado, ang Ultimate Female Survivor ng Season 1 ng reality-based artista search ng GMA-7.
Si Xian ang leading man ni Ryza sa Sa Muli, ang pelikulang ginawa nila noong February 2020 pero hindi pa naipalalabas dahil sa coronavirus pandemic at sa hindi inaasahang pagbubuntis ng aktres.
Nang mag-umpisa ang shooting ng Sa Muli, hindi pa alam ni Ryza na first trimester na ng kanyang pagdadalantao kay Baby Night, ang panganay nila ng cinematographer na si Miguel Antonio Cruz.
Isinilang niya si Baby Night noong October 31, 2020.
Si Xian ang leading man ni Jennylyn Mercado sa Love.Die. Repeat., ang upcoming TV series ng GMA-7 na nahinto ang taping dahil natuklasan ng former StarStruck winner na buntis siya sa magiging anak nila ni Dennis Trillo.
Ipinagtapat ni Jennylyn kahapon, October 29, na tatlong buwan na ang sanggol sa kanyang sinapupunan.
Tulad ni Ryza, nasa first trimester siya ng pagbubuntis nang malaman niyang nabiyayaan na ang pagmamahalan nila ni Dennis.
Dalawang aktres na kapwa produkto ng StarStruck ang nagbuntis habang katrabaho nila ni Xian.
BEAUTY PAGEANT EXPERIENCE
May kakatwa o weird ding karanasan si Xian bilang host ng mga beauty pageant.
Si Xian ang emcee ng 6th edition ng Miss Grand International na ginanap sa Yangon, Myanmar noong October 25, 2018.
Ang Paraguay delegate na si Clara Sosa ang kinoronahang Miss Grand International 2018, pero nahimatay siya sa entablado ilang segundo matapos ang announcement ni Xian na siya ang nanalo.

Nagkaroon ng kaparehog pangyayari sa coronation night ng Miss World Philippines 2021 noong October 3, 2021.
Si Xian ang tumulong kay Tracy Maureen Perez nang mahulog ito mula sa mga baitang ng entablado, ilang minuto bago siya kinoronahan bilang Miss World Philippines winner.

Dalawang beses na nagkaroon ng freak accident si Tracy dahil nadapa din siya sa entablado sa kanyang unang paglalakad bilang Miss World Philippines 2021.