Incumbent board member ng Third District ng lalawigan ng Laguna ang former sexy comedienne na si Angelica Jones.
Sa 2022 elections, susubukan niya ang kanyang kapalaran sa Kongreso dahil tatakbo siyang house representative ng ikatlong distrito ng nabanggit na probinsya.
Kabilang sa credentials ni Angelica na mababasa sa kanyang Facebook profile ang mga sumusunod: "personal consultant of Senator Manny Pacquiao, former new elected Regional President of National Movement of Young Legislator, Consultant and Spokesperson of Kabayan Partylist at House of Representatives, actress, commercial/print ad model, Ambassadress of Health and Nutrition 2009, Chairman of Matatag na Pamilya Movement, and Board Member elect ng 3rd District ng Laguna."
Kung educational attainment ang pag-uusapan, nag-aral siya sa Asian Institute of Management, John Roberts Powers International School, at nagpakadalubhasa sa Public Administration sa UP Diliman si Angelica.
Kumakalat ngayon sa social media ang lumang leaflet na may hashtag na #LetAngelicaLead, na may intensiyong paglaruan si Angelica.
Mahahalatang luma ang leaflet dahil "Angelica Jones Para Bokal" ang nakalagay samantalang kandidato siya bilang house representative ng 3rd District ng Laguna sa 2022 elections.
Ang paglaruan si Angelica ang tila motibo ng source ng leaflet na may nakasulat na "Sino si Angelica Banaag Alarva aka Angelica Jones."
Inisa-isa rito ang kanyang mga achievement gaya ng "Gold Record Award, Otso-Otso, Double Platinum Award, Ms. Flawless, Box Offic Hit Movie, Mr. Suave, Most Promising Novelty Artist, Most Promising Model, Most Promising Sexy Comedienne, Face of the Night-PMPC Star Awards 2006, Best Supporter & Coordinator-Lingkod Bayan, Best Public Servant-Lingkod Bayan, Huwaran ng Kabataan, Most Behave, Ms. Valentine, 2nd place Declamation," at marami pang iba.
Walang makapagsabi kung lehitimo ang leaflet na naghahatid ng ngiti sa mga nakababasa pero tila minamaliit ang kakayahan ni Angelica.
Ito ay kahit may katotohanan ang mga nakasulat na impormasyon at sa kabila ng mga paglilingkod niya bilang bokal ng Laguna at consultant ng presidentiable na si Senator Manny Pacquiao.