Pormal nang nagsampa ng reklamo ang apat sa labintatlong (13) tao na tumutugis sa former Survivor Philippines contestant, TV host, at aktor na si Jace Flores dahil sa mga financial obligation nito.
Isinampa ng mga complainant ang kanilang reklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) noong Lunes, October 25, 2021.
Kabilang sa mga inireklamo sa NBI ang partner ni Flores na si Doris May Santos, na pinararatangan ng mga complainant na kasabwat ng aktor sa panloloko sa kanila.
Sa kabila ng malakas na ulan noong Lunes, nagsadya sa NBI office sina Klan Alison, Nhomer Paguigiran, Jessie Reyes, at si Ian Christian Datu.
Si Datu ang representative ng Singapore-based businesswoman na binayaran umano ni Flores ng mga talbog na tseke para sa dalawang Rolex watch na binili niya.
May mga reklamo rin laban kay Flores para sa unsettled obligation ang kanyang ex-girlfriend na si Katrina Irene May Natividad.
Si Natividad ay nagkomento sa artikulo ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) tungkol sa mga kasong kinasasangkutan ng dating karelasyon niya.
Naniniwala ang mga complainant na malaki ang maitutulong ng NBI para madakip si Flores.

Isa-isang lumantad ang mga pinagkakautangan ni Flores nang magsalita sa PEP.ph ang movie producer at talent manager na si Len Carrillo noong October 16, 2021.
Natuklasan ni Carrillo na carnapped ang Fortuner-SUV na isinangla sa kanya ng TV host-actor sa halagang kalahating milyong piso noong September 5, 2021.
Sinabi ni Carrillo na nagdesisyon siyang ibahagi sa publiko ang kanyang malungkot na karanasan kay Flores para hindi na raw madagdagan ang mga biktima ng TV host-actor.
Ikinalungkot lamang ng mga complainant ang balitang nalaman nila na nakalabas na ng bansa si Flores, ang kinakasama nito, at ang kanilang tatlong anak noong September 22, 2021.
Kinumpirma ni Carrillo na umalis ng bansa ang pamilya ni Flores at nagpunta sa Dubai, base sa mga record ng Bureau of Immigration.

Kahit nakaalis ng Pilipinas si Flores, hindi nawawalan ng pag-asa ang mga complainant na makakamit nila ang pinakaaasam na hustisya sa tulong ng NBI at sa iba’t ibang mga kaso na isinampa nila sa korte.