Kabilang si Ai-Ai delas Alas sa mga Pilipino na unang nanood ng Squid Game nang mag-umpisa ang streaming nito sa Netflix noong September 17, 2021.
Nagustuhan ni Ai-Ai ang kuwento ng South Korean survival drama series na kanyang pinagpuyatang panoorin.
Pero ni sa panaginip, hindi niya akalaing magkakaroon siya ng koneksiyon sa iconic 10-foot-tall doll na ginamit sa Red Light, Green Light game sa unang episode ng Squid Game.
Pinaglaruan si Ai-Ai ng isang netizen sa litrato ng Squid Game doll at may caption na "Hindi mo kami maloloko Ai-Ai Delas Alas."
Nakarating ito sa Comedy Queen.
Walang idea si Ai-Ai kung kuha sa Pilipinas o sa ibang bansa ang litrato ng manika pero hindi niya napigilang magkomento sa Facebook post na naka-tag siya.
"Ah ganooooon?!!" reaksiyon ni Ai-Ai sa larawan ng Squid Game doll na ginawang katatawanan sa social media.
Mabilis ang pagtanggi ng netizen na nag-post ng litrato dahil inisip niyang nagalit si Ai-Ai.
Kaya balik-sagot ng netizen kay Ai-Ai, "Si Mayor Joy Belmonte po talaga ‘yan sorry na."

Ang totoo, natawa at hindi nainsulto si Ai-Ai.
Pero nag-alala siyang baka hindi matuwa ang Quezon City mayor sa pagkukumpara sa kanilang dalawa.
"Okay lang sa akin pero ang tanong, flattered ba si Mayor Joy na kamukha ko siya?"

Humirit pa si Ai-Ai na isang kalapastanganang humaba ang baba at naging kamukha niya ang larawan ng replica ng manika na bilog ang hugis ng mukha sa Squid Game.
"Biktima ng 'face shaming' ang doll dahil kung ako siya, parang nasira ang face niya nang agad-agad," kuwelang reaksiyon ni Ai-Ai, na tinawanan na lang ang sobrang imahinasyon ng netizens.
Ang popularidad ng Squid Game ang dahilan kaya in-demand na Halloween costumes ang orange and yellow dress ng giant doll at ang red and green outfits ng mga karakter sa sikat na Netflix series.
