Mga kilalang pulitiko sa Maynila ang mga magulang ni Mikee Quintos, pero hindi niya nakikita ang sariling papasok sa mundo ng public service.
Nagsalita nang tapos si Mikee nang makausap namin siya nitong Huwebes ng hapon, October 14, tungkol sa posibilidad na pagsunod niya sa yapak ng kanyang mga magulang.
“Marami po ang nagtatanong ng ganyan, pero right now po, decided talaga ako. Parang sure ako na hindi siya para sa akin.
“Nandito po ako para suportahan ang kapatid ko, ang pamilya ko, ang magulang ko," paliwanag ni Mikee.
Mas desidido raw ang Kapuso actress-singer na pagtuunan ng pansin ang kanyang showbiz career at matapos ang pag-aaral niya ng architecture sa University of Sto. Tomas.
Para sa 2022 elections, ang kapatid ni Mikee na si Atty. Lady Quintos ay kakandidatong konsehal ng District 4 sa Maynila sa ilalim ng partido ni incumbent Manila Mayor Isko Moreno, na tatakbo naman bilang pangulo ng Pilipinas.
Saad ni Mikee, “For the very first time po, tatakbo na bilang konsehal ang ate ko sa Manila.
"Ang ate ko na po ang uupo ngayon. Nag-sign [file ng certificate of candidacy] na po siya two weeks ago sa District 4 ng Sampaloc, Manila."
Ano ang maaaring makapagpabago sa desisyon mong huwag pumasok sa mundo ng public service?
Sagot ni Mikee, “Sabi nila, magbabago pa raw ang isip ko, kasi may mga kakilala ako na nagsasabi sa akin. Pero iba talaga yung calling ko.
“Hindi ko naman isinasara ang isip ko, pero sure talaga ako. Kahit gaano ko siya katagal pag-isipan, hindi ko po ma-imagine ang sarili ko doon [pulitika].”
Sinabi ni Mikee na bilang isang artista, parang pagsisilbi na rin sa publiko ang kanyang ginagawa at masaya na siyang walang titulo.
“Sa akin po, ang purpose na nakikita ko sa public service, magsilbi sa publiko.
“Kahit papaano, nagagawa ko rin naman po siya bilang artista. I don’t have to sit in a position for me to be able to help.
“Okay na po sa akin ang walang titulo basta nagagawa ko pa rin yung mga sa tingin ko tamang gawin,” dagdag na pahayag ni Mikee.
Nakausap ng Cabinet Files si Mikee sa virtual mediacon ng Promises to Keep, ang episode ng Regal Studio Presents na pinagbibidahan nila nina Kelvin Miranda, Angel Guardian, at Tyrone Tan.
Mapapanood ito sa Linggo, October 17, 4:35 p.m., sa GMA-7.