Sasabak na rin sa mundo ng pulitika at public service ang 36-year-old Kapuso actor na si Jason Abalos.
Kakandidato si Jason bilang board member ng District 2 ng Nueva Ecija dahil gusto niyang ipagpatuloy ang nasimulan ng kanyang ama na si Popoy Abalos.
Naghain si Jason ng certificate of candidacy nitong Biyernes ng umaga, October 1, 2021.
Ngayong hapon, sa pamamagitan ng isang Facebook post, ipinaalam ng aktor sa publiko ang kanyang major decision na ginawa.
Pahayag niya, "Nag-file po ako ng COC kaninang umaga para ituloy ang nasimulan ng aking Ama (Popoy Abalos) sa pagka-bokal (Board member) sa ating Distrito 2 sa Nueva Ecija.
"Malaking hamon ang pandemyang ito para sa mga senior citizen kaya po napag desisyunan namin na ako na ang magtatrabaho para po sa ating mga kababayan.
"At dahil po dito, kung inyong mapagbibigyan ay ilalapit namin ang kapitolyo at ibat ibang ahensya ng gobyerno katuwang ang ating susunod na magiging Gobernadora Rianne Cuevas sa inyong mga tahanan sa pamamagitan ng teknolohiya.
"Isa lang po ito sa aking mga magiging adbokasiya para po sa buong lalawigan ng Nueva Ecija. Kailangan po namin ang inyong suporta at mga dalangin.
"Maraming salamat po."