May 10, 2021 nang ibalita ni Willie Revillame ang plano nitong mag-produce ng sitcom na pagbibidahan nila ni John Lloyd Cruz kaya marami ang naghihintay na magkaroon ng katuparan ang kanilang proyekto.
Apat na buwan na ang nakalilipas mula nang isiwalat ni Willie ang balak niyang pagtulong sa pagbabalik-showbiz ni John Lloyd, pero walang balita tungkol sa sitcom na tatampukan nila.
Nagkaroon ng mga haka-hakang hindi na matutuloy ang sitcom ni John Lloyd sa GMA-7.
Dahil dito, marami ang nanghinayang dahil naunahan pa siya ng kanyang perennial love team na si Bea Alonzo na opisyal na naging Kapuso star noong July 1, 2021.
Walang dapat ikalungkot ang fans ni John Lloyd na nag-aabang sa kanyang mapanood sa GMA-7 dahil matutuloy na ang sitcom na pagbibidahan niya.
Anytime soon, magkakaroon ng story conference si John Lloyd at ang mga artistang makakasama niya sa kanyang TV comeback.
Malaki ang magiging partisipasyon ni Edgar "Bobot" Mortiz sa sitcom ni John Lloyd dahil isa siya sa mga producer ng upcoming program ng 38-year-old actor, na malapit sa kanya.
Si Bobot ang direktor ng Home Sweetie Home, ang dating sitcom na pinangungunahan ni John Lloyd sa ABS-CBN bago ito nagdesisyong pansamantalang talikuran ang showbiz noong 2017.
Hawak na ni Edgar ang kontrata para sa proyektong gagawin nila sa GMA-7 kaya sigurado nang mapapanood si John Lloyd sa Kapuso Network.