Makabagbag-damdamin ang real-life drama na napanood sa live telecast ng "Reina Ng Tahanan" segment ng It’s Showtime ngayong Martes, August 31.
Ito ay dahil sa rebelasyon ng contestant na si Rea Millares ng Pasig City sa kanyang 16-year-old son na hindi nito kadugo ang nakagisnang ama.
Ang menor de edad na anak ni Rea ang surprise guest para magtanong sa kanya.
Ito ang eksaktong tanong ng bata: “Sabi niyo po sa akin ni Papa, meron po kayong gustong sabihin. Na-curious po ako.
"Hanggang ngayon po, gusto ko pong malaman yung kasagutan. Gusto ko pong malaman kung ano yung gusto niyong sabihin sa akin nung mga araw na po ‘yon."
Mabigat sa dibdib ang mga sumunod na eksena dahil sa mga salitang binitiwan ni Rea.
Sabi ng contestant, “Anak, sa totoo lang, natatakot akong sabihin sa 'yo ang isang bagay na dapat mong malaman. Pero, anak, siguro ito na yung tamang panahon para malaman mo ang tungkol sa pagkatao mo.
“Alam mo naman, anak, hindi ko na kailangan sabihin sa 'yo kung gaano kita kamahal dahil lagi ko yun ipinaparamdam sa 'yo.
"Hindi naman ako malihim na tao, hindi ako malihim na ina sa 'yo. Showy ako sa 'yo, anak, kahit malaki ka na, gusto kitang i-kiss, lagi kitang kinakausap.
"Lahat ng gusto mo, anak, sinusuportahan kita. Hindi ka naman maluho dahil ang mga gusto mo naman, higit sa lahat ang mga gusto mo, tungkol sa Diyos, busy ka sa mga gawain sa pagsamba.
“Kahit hindi mo nakasama ang tatay mo, anak, pinalaki kita na maging malakas. Never ko naman nakita sa 'yo, anak, na nagkukulang ako sa 'yo, kaya never ko rin naramdaman sa 'yo, anak, na may kulang sa buhay mo."
Pagtatapat ni Rea sa anak: “Anak, sana mapatawad mo ako sa sasabihin ko sa 'yo tungkol sa pagkatao mo.
"Yung tatay na kinilala mo, anak, hindi talaga siya yung tatay mo.
“Anak, sorry anak, ha? Patawarin mo si Mama, anak. Patawarin mo ako, anak. Ngayon ko lang ito nasabi sa 'yo, anak."
Idinagdag ni Rea na muling nagpaparamdam ang biological father ng kanyang anak dahil gusto nitong mabuo ang kanilang pamilya.
“Wala siyang pamilya, anak. Wala siyang asawa. Ikaw lang talaga yung nag-iisang anak niya.
"Sa totoo lang, nung nag-text siya sa akin, nakikipagbalikan pa nga siya sa akin para raw sa 'yo.
"Anak, sana patawarin mo ako, anak. Sana patawarin mo ako, anak.
"Sana hindi ka magbago, anak,” lumuluhang sabi ni Rea, na lumuhod sa harap ng kanyang anak habang humihingi ng kapatawaran.

Nangako ang 16-year-old-son ni Rea na hindi ito magbabago at nauunawaan niya ang kanyang mahal na mahal na ina, pero bakas sa mukha ng bata ang matinding pagkagulat dahil sa natuklasan kaya napaiyak din siya.
Ikinabigla rin ng mga host ng It’s Showtime at ng mga hurado ng "Reina ng Tahanan" ang shocking revelation ni Rea dahil hindi madali para sa isang menor de edad na malaman ang masakit na katotohanan sa isang live television show.
“I felt na nabigla siya,” reaksiyon ni Janice de Belen, isa sa tatlong hurado ng 'Reina Ng Tahanan.'
“Hindi ko kasi alam kung ito ang tamang venue para sabihan niyo ang isang bagay na ganoon.
"But since nandidiyan na, I hope pag-uwi niyo, medyo explain niyong maigi sa kanya.
"Kasi ngayon, hindi pa niya masyadong mararamdaman yun, e. Later on niya mararamdaman.
“I hope you be careful with how you do these things because ang iniiwasan natin ay magrebelde siya. Pero nakakatuwa that he appreciates you so much bilang ina,” bahagi ng pahayag ni Janice.
Tila ginamit ni Rea ang sitwasyon para manalo siya sa "Reina Ng Tahanan" kaya hindi niya isinaalang-alang ang sakit na mararamdaman ng kanyang menor de edad.
Pero kahit saan anggulo tingnan, mali ang ginawa ng ina ng bata dahil inilagay nito sa alanganing sitwasyon ang kanyang menor de edad na anak.
Sa kasamaang palad, hindi si Rea ang itinanghal na daily winner sa contest na sinalihan niya.