Paluwas mula sa Davao City ngayong Miyerkules ng hapon, July 7, ang pamilya ni 1st Lieutenant Sheena Alexandria "Rea" Tato.
Susunduin nila ang bangkay ni Rea na inilipad mula sa Patikul, Jolo, Sulu para mabigyan ng military honors sa Villamor Airbase, Pasay City.
Si Rea ang Philippine Air Force nurse na kasama sa 53 kataong nasawi dahil sa pagbagsak ng C-130 aircraft na sinasakyan nila papunta sa Jolo noong July 4.
Nakapanayam ng Cabinet Files ang kuya ni Rea na si Sheen Alexandre ngayong umaga, July 7, tungkol sa trahedyang nangyari sa kanyang nakababata at nag-iisang kapatid.
Si Sheen ang panganay at si Rea ang bunso sa dalawang anak ni retired Colonel Wilfredo Tato, 70, at ng 60-year-old wife nitong si Marietta.
Labis ang pagdadalamhati ni Wilfredo sa pagkawala ni Rea, at ang sarili ang sinisisi nito dahil siya ang nag-udyok sa kanyang anak para maging military nurse.
DNA TEST FOR REA'S REMAINS
Napakasakit para sa pamilya Tato ang nangyari lalupa’t nalaman nilang "badly burned" ang katawan ni Rea, na nag-iisang babaeng pasahero sa nag-crash na C-130 plane.
“Masakit po ang nangyari sa kanila [mga biktima],” pahayag ni Sheen sa pakikipag-usap nito sa Cabinet Files ngayong umaga.
“Yung kapatid ko po, hindi na talaga makilala. Badly burned po siya. Nakilala lang siya dahil sa dog tag na suot niya.
"Tumawag po sa amin yung funeral parlor personnel, nagtanong at nag-advise kung ike-cremate si Rea. Hindi po pumayag ang tatay ko."

Sa interbyu ng GMA News kay retired Colonel Tato, sinabi nitong gusto niyang sumailalim sa DNA test ang bangkay para makatiyak siyang talagang ang anak niya ang biktima.
Patunay itong napakahirap sa kanyang tanggapin ang masakit na katotohanan.
Malungkot na pahayag ni Sheen sa Cabinet Files, “Nahirapan po raw talaga na i-recover ang mga katawan nila kaya malaki po ang pasasalamat namin sa mga residente at sundalo na tumulong sa kanila.
"Kahit papaano po ay meron kaming paglalamayan."
A BLESSING
Bukod sa pagpayag mainterbyu, ibinahagi rin ni Sheen sa amin ang mga larawan ng kanyang kapatid noong nabubuhay pa ito dahil sa kagustuhan niyang malaman ng lahat kung gaano nila kamahal si Rea.
Saad niya, “Pwede nyo po na gamitin ang photos.
"Malaking tulong po sa mga pamilya ng mga nasawi ang ginagawa ninyo para maikuwento ang naging buhay nila at kung gaano sila kamahal ng mga pamilya nila.
“Kahit papaano, malalaman ng iba kung gaano siya kahalaga sa amin. Blessing po si Rea sa pamilya namin at sa mga kaibigan niya.”

Childhood photo ni Rea Tato (nasa gitna).
Manila-bound ngayong hapon si Sheen at ang kanyang pamilya para sunduin ang bangkay ni Rea sa Villamor Airbase.
Inaasahan niyang makakauwi sila sa Davao sa Biyernes, July 9.
Plano ng pamilya Tato na iburol sa kanilang tahanan ang bangkay ni Rea bago ito ihatid sa huling hantungan.