Ngayong Miyerkules, June 30, ang simula ng worldwide streaming sa Netflix ng Mommy Issues, ang comedy movie ng Regal Entertainment Inc. na pinagbibidahan nina Pokwang, Gloria Diaz, Sue Ramirez, Ryan Bang, at Jerome Ponce.
Tuwang-tuwa si Pokwang nang malaman nitong mapapanood sa buong mundo at hindi lamang sa Pilipinas ang pelikula na siya ang bida at Mother’s Day presentation noong nakaraang buwan.
Kaya sobra ang kanyang pasasalamat kina Mother Lily Monteverde at Roselle Monteverde, ang mga producer ng Regal.
Sabi ni Pokwang, "Sobrang excited po at thankful ako sa Regal nang malaman ko na worldwide na ipalalabas sa Netflix ang pelikula namin dahil mapasasaya ko ang aking followers sa iba’t ibang bansa na miss na miss ko na.
“Wala pa kaming mga concert sa abroad dahil sa coronavirus pandemic, at sa pamamagitan ng Mommy Issues, parang nakasama ko na rin sila kapag pinanood nila sa Netflix ang aming pelikula.”
Hindi raw pumasok sa isip ni Pokwang na pwedeng ang worldwide streaming ng Mommy Issues sa Netflix ang maging daan para mapansin siya at magbukas ng pintuan sa mga international opportunity para sa kanya.
“Hindi ko po ipinapasok sa isip ko na maaaring magbukas ng international opportunity para sa akin ang paglabas sa Netflix ng pelikula namin. Sapat na sa akin na mas malawak ang mapasasaya ng Mommy Issues.
"Pero kung mangyayari ang international opportunity, hindi naman ako tatanggi kung ‘yan ang plano ni God!” natawang sabi ni Pokwang.
Malaki ang pasasalamat ng Kapuso comedienne sa Panginoong Diyos dahil hindi siya nawawalan ng trabaho sa kabila ng matinding epekto ng pandemya sa ekonomiya.
Aniya, “Iba talaga ang nagagawa ng dasal at pananalig. Walang imposible kay God basta buo ang tiwala mo sa Kanya.
"Kaya thank you God sa mga iniaalay Mo sa akin."
Ang Mommy Issues ang huling pelikula na ginawa ni Pokwang.
May mga natatanggap siyang mga alok para sa mga bagong movie project, pero tinanggihan niya dahil priority niya ngayon ang pagtuunan ng pansin ang mga show niya sa GMA-7.
“Sa ngayon, may mga offer na movie, pero mas uunahin po muna namin ang shows na inihanda ng GMA-7 para sa akin.
"Sobrang excited ako at nagpapasalamat sa ABS-CBN, TV5, Regal, at salamat din sa GMA 7 sa pagyakap sa akin," sabi ni Pokwang.
Use these Klook promo codes when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.