Tanghaling-tapat ng June 24, 2021 nang makarating sa former sexy star na si Barbara Milano ang balita tungkol sa pagpanaw ni former Philippine President Benigno Simeon “Noynoy“ Aquino.
Hindi inakala ni Barbara na maagang mawawala ang lalaking minsan ay naging bahagi ng kanyang buhay, kahit tumagal lamang ng sampung buwan ang kanilang relasyon.
Ang malungkot na balita ang dahilan para bumalik sa alaala ni Barbara ang maliligayang araw nila ni Noynoy, na kinatawan pa lamang noon ng second congressional district ng lalawigan ng Tarlac.
“Ang tagal-tagal na ng mga panahon na nakalipas pero bakit ganoon? Masakit din pala.
"Lihim kong iniyakan ang pagkawala niya dahil ayokong makita ng anak at ng magulang ko na umiiyak ako.
“Na-recall ko ang lahat ng mga nangyari sa amin noon. Masakit din. Umiyak ako. Sabi ko sa sarili ko, 'Bakit ako umiiyak?’
“Ang isang tao pala, kapag meron kayong pinagsamahan 'tapos nawala siya, masakit pala kahit ten months lang.
“Hindi agad ako makapaniwala na wala na siya,” pahayag ni Barbara nang makausap siya ng Cabinet Files noong Biyernes ng gabi, June 25.
Maikukumpara sa kuwento ng 1990 American movie na Pretty Woman ang relasyon nina Barbara at Noynoy dahil magkaiba man ang estado ng kanilang mga pamumuhay, nagkaroon sila ng malalim na koneksiyon sa isa’t isa.
BARBARA RECALLS FIRST MEETING WITH NOYNOY
Hindi na maalala ni Barbara ang petsa ng unang araw ng pagtatagpo nila ni Noynoy noong 2000, pero natatandaan niyang tag-ulan noon at nagkita sila sa Zensho, isang Japanese restaurant sa Tomas Morato Avenue, Quezon City.
Balik-tanaw niya, “Nagkakilala kami ni Noynoy sa pamamagitan ng blind date. Nagkita kami sa Zensho dahil mahilig siya sa Japanese food.
“Tinanong niya ako, ‘Ano ang name mo?’
“Ang sabi ko, Annabelle Ramos.
“'Taga-saan ka?'
“Nueva Ecija.”
“Sabi niya, ‘Gusto ko, tawag ko na lang sa iyo, Anna.’
“Siya lang ang tumawag sa akin ng Anna dahil sa probinsya namin, Dayang ang nickname ko.
“Ang sabi niya sa akin, ‘Ang ganda ng mga mata mo. Parang lagi kang umiiyak.’”
Taong 1999 noong magsimula ang showbiz career ni Barbara, at noon din niya nakilala si Noynoy.
Pero sa kanilang unang pagtatagpo, hindi ipinagtapat ni Barbara kay Noynoy na sexy star siya.
Pag-amin niya, “Hindi ko sinabi sa kanya na artista ko. Seven months na ang relasyon namin nang malaman niya na artista ako. Parang may nagsabi sa kanya.
“Ayoko ring malaman niya. Saka hindi naman ako sikat, iba rin ang screen name ko.”
NO PICTURES, JUST UNFORGETTABLE MEMORIES
Sa sampung buwang relasyon nina Barbara at Noynoy, wala ni isang larawan na naitago si Barbara dahil hindi pa uso noon ang mga cellphone camera. Pero mapapatunayan ng dating sexy star na totoo ang lahat ng kanyang mga kuwento.
Panghihinayang niya, “Wala talaga, as in walang picture na magkasama kami. Iyong mga cellphone namin, hindi naman ganoong ka-high tech, Nokia 5110.
“Wala naman akong camera na may film noong araw. Kapag kumakain naman kami sa labas kasama ang friends niya, wala rin mga cellphone na may camera kaya walang litrato. Memories lang talaga.
“Wala man akong ebidensiya na naging kami, ang kanyang mga close friend ang makapagpapatunay. Kaya kong patunayan iyan.
“Mahirap namang mag-imbento ng salita na hindi naman totoo," naninindigang sabi ni Barbara, na siguradong hindi siya basta-bastang mapapatay sa sindak ng sinumang magsasabing gawa-gawa lamang ang kanyang mga rebelasyon.
BARBARA REVEALS NOYNOY'S ENDEARING TRAITS
Hindi nag-atubili si Barbara na isa-isahin ang magagandang alaala niya kay Noynoy dahil sa kanyang kagustuhang malaman ng publiko ang simple at mapagkumbabang ugali ng dating pangulo.
Patuloy niyang kuwento, “Noong three months na ang relasyon namin, naging madaldal na rin ako sa kanya. Naging matanong ako. Feel at home na ako.
“Two times a week, minsan every other day ang pagkikita namin, kaya naging habit ko nang alamin ang mga gamit niya. Naging kumportable na ako sa kanya.
"Palagi siyang may bag na dala, nandoon iyong towel niya, sabon. Safeguard pala ang gamit niya, iyong kulay beige.
“Ganoon siya kasimple. Ini-expect ko na mamahaling sabon ang gamit niya. Hindi mo iisipin na galing siya sa mayamang pamilya....
“Lagi rin siyang may dalang maliit na Coleman, lagayan niya ng mineral water at Coke.
“Mahilig siya sa Coke at ang brand ng sigarilyo niya, Marlboro. Ang favorite niyang alak, Bailey's.
“Tuwing magkikita kami ng Monday, Lacoste polo ang suot niya. At kapag magkikita kami ng Friday, iyon na naman ang suot niya.
“Tinanong ko siya, 'Bakit iyan na naman ang suot mo? Di ba, isinuot mo na iyan noong nakaraan?
“Ang sagot niya, ‘E, favorite ko ito. Regalo sa akin ito.’
“Ang pagkakatanda ko, si President Erap [Joseph Estrada] ang nagbigay sa kanya ng Lacoste polo.
“Hindi ko rin makakalimutan sa kanya ang Whistle Stop restaurant sa Morato. Hindi kami kumakain sa Whistle Stop dahil maraming tao doon.
“May isang araw na sabi niya, magdi-dinner kami, pero naging busy siya sa Congress dahil sa budget hearing.
"Tinanong ko pa kung ano yung budget hearing, at ipinaliwanag naman niya sa akin dahil wala nga akong kaalam-alam tungkol doon.
“Sabi niya, ‘Hindi na kita maipapasundo. Padadalhan na lang kita ng pagkain. Anong gusto mo?’
“Sabi ko, 'Talaga? Gusto ko ng bibingka.’
“Wala pang ilang minuto, ipinadala niya sa kanyang driver ang bibingka from Whistle Stop sa apartment ko. Iyon ang isa sa mga hindi ko makakalimutan sa kanya.
“Saka iyong pagtutuunan ka niya ng time. Ipagda-drive niya ako, iyong bodyguard niya, nasa backseat, hindi ko rin makakalimutan.
“Sabi ko, 'Bakit ikaw ang magda-drive?’
“Sabi niya, ‘Gusto ko ipag-drive kita. Umupo ka na sa harap. Ako ang maghahatid sa iyo.’
“Binigyan din niya ako ng Cross pen. Ibinigay niya sa akin, iyong box nandito pa sa akin, iyong Cross, nawaglit na. Hindi ko alam na mamahalin pala iyon.
“Alam mo naman ako noong araw, hindi ko alam iyong mga branded na gamit dahil laking-probinsiya nga ako.
”Perfume naman ang naibigay ko sa kanya noon,” detalyadong kuwento ni Barbara sa mga hindi niya malilimutang alaala tungkol kay Noynoy.
BARBARA ON NOYNOY: "HINDI SIYA MAHIRAP MAHALIN"
Nang itanong namin kung naramdaman niyang minahal siya noon ni Noynoy, bahagyang nag-isip si Barbara bago ito nagsalita ng “Hindi ko alam, e.”
Saad pa niya, “Ang minamahal ba ay iyong sinabihan niya ako ng, ‘Ito ang mga gusto ko sa iyo. Huwag kang magsusuot ng sexy dress. Kapag lalabas tayo, T-shirt lang at jeans. Huwag kang maglalagay ng kung anu-ano sa mukha. Gusto ko, simple ka lang.’
“Pinagtuunan niya ako ng oras. Kinakausap niya ako hanggang umaga. ‘Babes’ ang tawagan namin noon.
“Sinabihan ko siya ng, 'Alam mo, mahal na kita. Nami-miss na kita.'
“Ang sagot niya, 'Ah, ganoon ba? Alam mo, ang bait mo.’
“Nag-I love you siya sa akin pero hindi madalas.
“Meron siyang ugali na hindi ko makakalimutan. Ayaw niya na tinatanong palagi kung nasaan siya. Ayaw niya na iyong time ko, nasa kanya palagi.
“Ayaw niya na tinatanong siya ng, 'Nasaan ka na, anong ginagawa mo?'”
Nang tanungin namin kung minahal niya si Noynoy, maagap ang sagot ni Barbara.
“Oo naman, binigyan niya ako ng oras.
"Ipinakita niya kung sino siya. Hindi siya nagpakita ng 'Cojuangco ako, Aquino ako.'
“Sino ba naman ako noon? Lumuwas lang ako ng Maynila, magsasaka, nagtatanim ng palay 'tapos mami-meet mo sa blind date, isang Aquino.
“Sa totoo lang, hindi siya mahirap mahalin. Hindi mo siya makikitang nagyayabang o tadtad ng bodyguards.”
Naramdaman ba ni Barbara na masaya si Noynoy noong mga panahong magkasama sila?
“Oo, kasi makuwento siya. Tumatawa siya, pero more on politics talaga ang sinasabi niya.
"Kapag may nakikita siyang mali sa pagpapatakbo ng Pilipinas, sinasabi niya, dapat ganito ang ginawa niya.
“Matalino talaga siya. Hindi siya nauubusan ng ideas. Ang dami niyang mga plano. Doon talaga ako humanga sa kanya,” ani Barbara.
BARBARA QUASHES FALSE RUMORS
Itinuwid ni Barbara ang mga walang katotohanang haka-haka na hindi nagtagal ang relasyon nila ni Noynoy dahil tutol sa kanya ang pamilya Aquino.
Maling-mali ang akala ng karamihan dahil hindi ipinakilala ni Noynoy si Barbara sa kanyang ina at mga kapatid.
Diin niya, “Hindi totoo na ayaw sa akin ng pamilya niya dahil hindi ko naman sila nakilala.
“Basta ang usapan namin, kapag gusto niya kumain sa labas, ipapasundo niya ako at siya ang maghahatid sa akin, siya ang driver.
“Nagkukuwento siya sa akin tungkol sa pamilya niya.
"Magkasama sila ng nanay niya sa Times Street. Mahal na mahal niya si President Cory na ipinagluluto pa raw siya.
“Wala naman akong narinig sa kanya na ayaw sa akin ng pamilya niya. Hindi naman niya ako ipinakilala sa kanyang pamilya. Ipinakilala niya ako sa close friends niya.”
Hindi ka ba nagtanong kung bakit itinatago ka niya?
Aniya, “Hindi. Kasi ang naiintindihan ko sa kanya, binata siya, walang asawa.”
BARBARA's "walang closure" relationship WITH NOYNOY
Hindi itinanggi ni Barbara na nasaktan ito nang magwakas ang sampung buwan na relasyon nila ni Noynoy, pero hindi niya inisip na naging biktima siya ng ghosting.
Kawalan ng komunikasyon ang sinabi niyang ugat ng kanilang paghihiwalay dahil naging abala na si Noynoy sa Kongreso, samantalang nagkasunud-sunod ang kanyang movie projects at out-of-town shows.
“Malungkot nang mawalan kami ng communication kasi kung kailan lumalim na iyong relasyon namin, nakilala ko na siya, masakit iyon. Walang closure, bigla na lang naglaho.
“Walang formal breakup. Naglaho na lang, hindi ko na siya matawagan.
"Dati, natatawagan ko pa siya sa Bayantel landline nila sa Times Street, pero bigla na lang siya nawala. Hanggang ngayon memorized ko ang Smart cellphone number niya.
“Ayoko naman i-push na hanapin ko siya, puntahan ko siya sa Congress. Hindi ko rin inisip na ghosting victim ako dahil ang nasa isip ko noon, naging busy na siya,” panghihinayang niya.
Nang kumandidato si Noynoy bilang pangulo noong May 2010, ibinoto siya ni Barbara at sinubaybayan nito ang kanyang pamumuno.
Pero hindi na naglakas-loob ang dalaga na magkaroon ng komunikasyon sa dating karelasyon.
BARBARA RECALLS CLOSE BUT MISSED ENCOUNTER WITH NOYNOY
Three years ago, nagpang-abot ang dalawa sa isang Japanese restaurant sa Megamall, pero hindi nilapitan ni Barbara si Noynoy dahil nangibabaw ang kanyang hiya.
Pag-alaala niya, “Nakaupo ako nang dumaan siya sa likod ko. Papasok sila sa VIP room. Nabigla rin ako.
“Hindi ko na siya binati dahil ayoko naman basta susugod ako. Baka hindi na niya ako kilala o mamukhaan.
“Saka may kasama siyang mga bodyguard, baka harangin lang ako. Nahiya rin ako,” sabi ni Barbara.
Nanghinayang lang daw si Barbara dahil hindi nagkaroon si Noynoy ng asawa at anak.
“Nanghinayang ako, nanghinayang kasi hindi siya nagkaroon ng sariling pamilya. Sana, nagkaroon man lang siya ng anak.”