Idea ni John "Sweet" Lapus na pagsamahin sina JC de Vera at JC Santos sa Boyfriend No.13, ang WeTV original series na line produced ng APT Entertainment, Inc.
Si Sweet ang direktor ng Boyfriend No. 13.
Siya rin ang nagmungkahing isama sa cast si JC de Vera para matapos na ang problema nila ng production team sa paghahanap ng makakasama nina Sue Ramirez at JC Santos.
“Para tapos na, mag-JC de Vera na tayo,” kuwento ni John tungkol sa suggestion niya sa APT Entertainment na kunin si JC de Vera para sa project nila sa WeTV.
“Pagsamahan na natin yung dalawang JC na pilit na iniiwasan ng ibang mga production kasi nga magkapangalan sila.
“Kailangan kong magpaalam sa isang network that JC has a contract with.
"Naka-standyby ako para kapag hindi siya pinayagan, tatawagan ko ang kataas-taasan ng network na ‘yon, makuha lang namin si JC ce Vera.
"Nailaban ko talaga siya. Nag-agree naman ang buong production.
"Kapag gusto mo talaga at idinasal mo, na-achieve mo.
"So, nung nakuha na namin si JC de Vera, sabi ko nga, tapos na,okay na kami.
"The rest of the supporting cast, parang ipinasok na lang ng tadhana."
Tila nawala naman sa isip ni Sweet na tatlong John silang magkakasama sa Boyfriend No. 13 dahil parehong John Carlo ang mga tunay na pangalan nina Santos at De Vera.
REINVENTING SWEET
Maraming pinagdaanang trabaho si Sweet bago siya naging direktor sa telebisyon.
Nasubukan niya noong magtrabaho bilang production staff ng Showbiz Lingó hanggang maging komedyante at TV host siya.
Likas na maabilidad si Sweet dahil nang mawala ang mga talk show, na pinatay ng social media, ni-reinvent niya ang sarili bilang TV director at ito ngayon ang kanyang bagong career.
Napakapalad niya ang pakiramdam ni Sweet nang gawin nito ang Boyfriend No.13 dahil binigyan siya ng cast na hindi masakit sa ulo kaya maayos at mabilis na natapos ang kanilang lock-in shoot.
Paglalarawan ni Sweet sa kanyang bagong project, “Romcom na kakaiba, clever, witty ang Boyfriend No. 13, isang series na kailangang-kailangan sa panahon ng pandemya na malungkot at aligaga ang mga tao.
“Ang maganda sa Boyfriend No. 13, script pa lang, nakakatawa na. Walang major revisions na ginawa sa script dahil magagaling ang writers.”
Inaanyayahan ni Sweet ang lahat na suportahan ang kanyang bagong proyekto na magsisimula ang streaming sa WeTV sa July 2.
Use these Lalamove promo codes when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.