Nasa sentro uli ng kontrobersiya ang aktres na si Angelica Panganiban dahil sa kanyang tweet nitong Martes ng hapon, May 25.
Tungkol ito sa aniya'y palakasan diumano na nangyari sa Red Cross Subic, Olongapo dahil nauna pa raw ang ibang mga tao na sumailalim sa swab test kesa sa kanyang kasama.
Patutsada ni Angelica: “Hello redcross subic!! Isang oras na kami sa dito sa parking area niyo. Nakaalis na din mga nakasabay namin. At inuna niyo pa yung ibang bagong dating. Okay lang naman kung palakasan :) tweet ko na lang."

Isa pa niyang tweet: “Taray ng red cross dito sa subic. D sila namamansin :)”

Kasunod nito ay ibinahagi ni Angelica ang kanya umanong hindi magandang karanasan nang huli siyang magpa-swab test sa Red Cross.
Aniya, "Nung huling beses ako nag pa swab sa red cross, muntik akong mabaliw. Nag padala sila ng email na positive ako sa covid. Pero yung attachment result, negative ako.
"Ginawa nila yun sa buong olongapo guys. nag sorry naman sila after 12 hours."

RED CROSS SUBIC EMPLOYEE REACTs
Hindi ito nagustuhan ng mga tauhan ng Red Cross Subic dahil, diumano, walang katotohanan ang mga paratang ng aktres.
Ang Subic Red Cross medtech na si John Daniel Isabelo ang isa sa mga sumagot sa Twitter rants ni Angelica dahil saksi umano siya sa buong pangyayari.
Mensahe ni Isabelo para sa aktres: “Sana po di ka na lang nag-tweet na parang ang lalabas na masama eh kami. You need to take into consideration what’s really happening inside the swabbing facility.
“Naging lenient naman po kami sa inyo na kahit hindi kayo naka-sched ngayon, siningit pa rin kayo. Paano naman po yung mga nauna sa inyo at nakapila sa tent sa gitna ng init ng araw? Please be considerate.
“Opo mahal po ang swab fee pero di ibig sabihin nun na pwede niyo na kami ganituhin.”

Bukod sa kanyang reaksiyon, may komento rin si Isabelo sa Facebook page ng Olongapo SubicBay Batang Gapo News Center tungkol sa Twitter rants ni Angelica.
Pasaring ni Isabelo sa aktres, “Wala naman po sa parking area ang Verification Window namin. Sana try din po nila pumila kagaya ng mga normal na tao since pare-parehas lang naman sila ng ibinayad.
“Ni hindi nga po sila bumaba [ng sasakyan] para magpa-verify. Kami pa [ang] lumapit sa kanila sa sasakyan.
“Anyways, salamat Ms. Angelica dahil na-aappreciate mo ang pagod naming mga frontliners. Next time time na magpa-swab ka, 12 midnight papasok na kami para antayin ka."
Lumalabas ding hindi si Angelica mismo ang nagpa-swab test kundi ang kasama nito na hindi tinukoy.
"Ay sorry, di pala ikaw ang magpapa-swab, yung kasama mo pero ikaw yung galit na galit.”

(Note: Nakipag-ugnayan ang Cabinet Files kay Isabelo ngayong gabi, May 25, para sa kumpletong detalye ng isyu na kinasasangkutan ni Angelica at hinihintay na lang namin ang kanyang kasagutan).
PRIVILEGED?
Isa ring nagpakilalang "swabber/frontliner" ang sumagot kay Angelica.
Saad nito, "Be grateful na lang sana na nai-swab yung kasama mo ma'am without queueing at maramdaman yung init sa tent while waiting for their turn.
"May appointment lahat ng nagpaswab today, and hopefully kayo rin para valid 'tong rant mo ma'am.
"People who were swabbed before you sa parking, were actually illed and yung isa nga ambulansya pa eh. Di mo ba kita ma'am?
"Ang pagiging artista ma'am di kasama sa priority list, yet, lumabas ako to swab yung kasama nyo.
"Next time pumunta kayo maaga, we're open 9AM. Make sure may appointment kayo and better pila kayo so that malaman nyo na di lang kayo ang client namin.
"Mas nakakapagod palang lumabas sa tirik ng araw to swab such artists tapos more rant lang. Kala ko pa naman happy ka dito o."

Pasaring pa nito sa aktres sa Twitter: "Swabber/Frontliner lang po kami ma’am. Maraming may kailangan po ng service namin, not just you.
"Hindi po kami artista na need pansinin yung mga taong privilege masyado. Lalo na yung nakahiga lang naman sa kotse nya while sinaswab yung kasama niya."

Sinagot din ng frontliner ang komento ng isang netizen na totoo naman daw may palakasan kahit saan, at minura pa siya nito.
Dito isiniwalat ng frontliner na siya ang nag-swab sa boyfriend umano ni Angelica.
Sabi nito: "Fyi, I swabbed her boyfriend, so I guess i have the right to answer back.
"Kung may problema ka sa redcross, be it. I just stated what I experienced & I believe is true.
"Tell Angge na sa iba magpaswab nang maprioritize sya. Malakas naman po ata siya sa iba. Just doing my job."

DIREK DARRYL YAP REACTS
Samantala, nalungkot ang Olongapo resident at direktor na si Darryl Yap nang malaman nito ang kuwento tungkol kay Angelica kaya ibinahagi niya sa kanyang Facebook page ang sariling karanasan.
Saad niya, “Sa totoo lang, nalungkot ako. Ako, na isang Batang Gapo, pag nagpapa-swab sa Red Cross Subic, pinipilit kong tiisin yung init sa waiting tent nyo, sa sobrang init hindi na ko kumakain ng Andoks dahil alam ko na pakiramdam ng mga manok nila.
“Tapos may mababalitaan akong pwede naman palang magpasundot sa car; or sa artista lang pwede? Pag direktor kaya pwede sa motor?
“Kahit nanay-nanayan ko ang head ng SBMA—lagi akong sinasabihan ng SBMA Chairperson/Administrator Abe Connor, ‘Bakit anak? bakit ka uunahin? Sino ka ba? Lahat dapat sumusunod sa dapat! PUMILA KA! SUMUNOD KA! Alam mong ayaw ko ng ganyan. Di bale nang mainitan, ‘wag lang may malamangang tao! at dahil nga close tayo—MAS LALO KA DAPAT SUMUNOD, as a sign of your respect to me.’"
Kalakip ng FB post ni Yap ang screenshot ng reaksiyon ng isang doktora na gumagamit ng Twitter handle na Dra. G.
Walang pakundangan nitong tinawag si Angelica na "ungrateful."
Sinabihan din ni Dra. G ang aktres na humingi ng paumanhin sa staff ng Red Cross Subic.
Pahayag nito: “You should make a public apology to all the staff of Red Cross Subic! You have no appointment, siningit ka lang.
"Pinuntahan pa kayo sa car to do the swab while yung iba, may appointment ay nakapila sa tent or nasa ambulance. Siniraan mo pa talaga yung mga taong tumulong sa iyo.”
At press time, meron nang 313 comments mula sa nagagalit na netizens ang Twitter rants ni Angelica laban sa Red Cross Subic. Negatibo ang karamihan ng mga komento dahil pinararatangan siyang “feeling entitled at privileged.”
Bukas ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa panig ni Angelica Panganiban at ng Red Cross Subic kaugnay ng isyung ito.