Toxic ang schedule ni Ai-Ai delas Alas sa linggong ito dahil bibiyahe siya sa Amerika sa May 28.
Kailangan niyang matapos ang lahat ng mga commitment niya tulad ng co-hosting stint sa Wowowin: Tutok To Win ni Willie Revillame at ang promo ng kanyang bagong single, ang "Siomai (what?)."
Ang darating na Huwebes, May 27, ang pinakamahalagang araw kay Ai-Ai dahil sa magaganap na pamanhikan para sa kanyang nag-iisang anak na babae na si Sophia.
Pag-uusapan sa pamanhikan ang petsa ng church wedding ni Sophia sa fiancé nitong si Vince Bautista.

Inanusiyo ni Sophia noong April 4 ang engagement nila ni Vince at suportado ni Ai-Ai ang kanilang pagpapakasal. Sabik na rin ang Comedy Queen na magkaroon ng apo.
Most likely, mangyayari sa December 2021 ang pag-iisang dibdib nina Sophia at Vince sa simbahan.
Buwan din ng Disyembre nang pakasalan si Ai-Ai ng asawa nitong si Gerald Sibayan noong 2017.
Halos isang buwang mananatili sa Amerika sina Ai-Ai at Gerald dahil may mga aasikasuhin silang personal na bagay.
Kasama sa plano ni Ai-Ai ang magpaturok sa Amerika ng COVID-19 vaccine, at may valid reason siya tungkol sa kanyang desisyon.
Saad ng Kapuso star, “Magpapa-vaccine na rin kami sa Amerika.
"Yung para sa amin dito sa Pilipinas, ibibigay na lang namin sa kababayan nating mas nangangailangan.
"Bibisitahin ko rin ang anak ko na si Nicolo kasi matagal na kaming hindi nagkikita dahil sa pandemic."
FIRST SINGLE IN TEN YEARS
Kahit nasa ibang bansa siya, tiniyak ni Ai-Ai na maipo-promote niya ang "Siomai (what?)" sa pamamagitan ng virtual guestings at interviews.
Ang "Siomai" ang unang kantang ni-record ni Ai-Ai makalipas ang sampung taon kaya excited siya sa kanyang bagong single na tunog K-pop at malakas ang last-song syndrome.
“Kung gagawa rin lang ako ng kanta, siyempre yung hitsura, yung mukhang K-pop. After ten years lang ako uli nagkaroon ng recording kasi naniniwala ako sa timing.
"Nung ibinigay sa akin ang kantang ‘to, parang wala lang. Pero nang marinig ko, nakakatuwa at nakaka-good vibes siya.
"Tungkol siya sa food, e, suwerte ako sa mga food dahil lahat ng ini-endorse ko, puro food.
"Ang Viva Records ang distributor ng 'Siomai' at sila ang katulong ko sa pagpo-promote ng bagong kanta ko."