Guminhawa ang pakiramdam ng Filipino designer na si Rian Fernandez nang maibahagi nito sa social media ang hindi magandang karanasan niya kay Denis Martin Davila, ang national director ng Miss Universe Canada Organization (MUCO).
Nagkaroon si Rian ng lakas ng loob na lumantad at magkuwento nang mabasa niya ang Facebook post ng international Filipino fashion designer na si Michael Cinco tungkol sa unpleasant experience nito kay Denis at sa Team Canada sa nakaraang 69th Miss Universe.
“Nag-message po agad ako kay Sir Michael nang mabasa ko po ang post niya. Nag-chat po kami ni Sir Michael na ganoon nga po yung nangyari. Nakapag-decide na ako nung gabing ‘yon na mag-speak up,” sabi ni Rian sa exclusive interview sa kanya ng Cabinet Files ngayong Linggo ng gabi, May 23.
Nicaraguan citizen si Denis na matagal nang naninirahan sa Canada.
Una nagkakilala sina Denis at Rian nang ang Filipino fashion designer ang pagkatiwalaan ng MUCO national director na gumawa ng gown na gagamitin ni Miss Universe Canada 2016 Siera Bearchell.
Si Siera ang official candidate ng Canada sa 65th Miss Universe na ginanap sa Mall of Asia Arena, Pasay City, noong January 30, 2017.
Dalawang gowns ang ginawa ni Rian para kay Siera, pero ang gown na puti na binatikos nang husto ng netizens ang pinili ni Denis na isuot ng kandidata.

The gown designed by Rian Fernandez for Miss Universe Canada 2016 Siera Bearchell in Miss Universe 2016
“Hindi ko po ma-post yung white gown ni Siera kasi na-bashed po ako dun sa damit na ‘yon kasi nga hindi naman po talaga bagay.
“Yun po kasi ang pinili ni Denis, pero hindi alam ni Siera na yun ang pinili ni Denis.
“Hindi ko po nakita si Siera noon. Naging plus-size siya noong Miss Universe 2016 at before siya dumating sa Pilipinas, may peg si Denis, yung white na ginawa ko.
“Pero nagbigay ako ng isang corseted sweetheart top gown na high slit na copper ang color. Hindi pinili ni Denis ang copper gown dahil hindi raw po gusto ni Siera.
“Ang pinili raw po ni Siera, yung white. Pero nung nag-usap na kami ni Siera, hindi raw niya nakita ang copper gown,” kuwento ni Rian tungkol sa unang pagkakataong inilagay siya ni Denis sa kompromiso.
THREE FILIPINO FASHION DESIGNERS FOR ONE CANDIDATE
Noong 2018, muling kinausap ni Denis si Rian para sa mga gown na gagamitin ni Miss Universe Canada Marta Stepien sa 67th Miss Universe na idinaos noong December 17 sa Bangkok, Thailand.
Limang gowns na nagkakahalaga ng mahigit sa kalahating milyong piso ang ginawa ni Rian para kay Marta. Sariling gastos niya ang plane fare at hotel accommodation nila ng kanyang staff.
Pero ang gown na nilikha ni Michael Cinco ang isinuot ni Marta sa preliminary competition ng 67th Miss Universe na ikinabigla ni Rian dahil wala sa mga gown na ginawa niya ang ginamit ng Canadian beauty queen.
“Dahil sa stress at sleepless nights, na-paralyze ako noon sa Bangkok,” sabi ni Rian.
Nalaman daw niyang tatlo silang Filipino fashion designers na kausap ni Denis nang magpunta siya sa Thailand
“Nang magkita-kita kami sa Bangkok, nalaman namin nina Sir Michael at Benj Leguiab na tatlo kaming designers na kinontak ni Denis.
“Pero sa thread ng chat group namin, walang binanggit si Denis na contact din niya si Sir Michael at contact din niya si Benj Leguiab.
"May thread o chat group sila na kanya-kanya. Hindi namin alam na tatlo po kami."
Ayon kay Rian, may plano rin si Benj na magsalita tungkol sa ginawa ni Denis pero nag-iipon muna siya ng mga ebidensya.
“Tumawag po si Benj sa akin. Sinabi niya na kumukuha lang siya ng mga screenshot, mga proof para, at least, ma-explain din niya ang kanyang side na ganoon ang nangyari.
"Kasi naging option kaming lahat pero walang naisuot sa mga gown na ginawa namin.”
Ano ang mensahe mo para kay Denis at sa Miss Universe Canada Organization?
“Kung pipili man sila ng gowns, just make sure na yung commitment nila is 100 percent. Hindi nila dapat pipiliin ang designers na just for options lang or kung gagamitin nila na option, sabihin nila agad.
“I’m not closing doors naman po for Miss Universe Canada Organization. Pero under Denis po, siyempre, tama na po,” pahayag ni Rian.
Wala pang pahayag si Denis Martin Davila at ang Miss Universe Canada Organization kaugnay ng mga pahayag ng Filipino fashion designers.