May problema ang Filipino beauty pageant fans at ang mga talent scout na may kandidatang kasali sa Miss World Philippines 2021 at sa 57th Binbining Pilipinas.
Ito ay dahil magkasabay ang coronation night ng mga nabanggit na national beauty contest.
Inilabas ng Miss World Philippines Organization nitong Biyernes ng hapon, May 21, ang announcement na magaganap sa July 11. 2021 ang kanilang grand coronation night.
Tatlong oras matapos ang anunsiyo ng Miss World Philippines Organization, ibinalita naman ni Samantha Bernardo sa virtual welcome presscon para sa kanya ng Binibining Pilipinas Charities Inc. na matutuloy na sa July 11, 2021 ang coronation night ng 57th Binibining Pilipinas.
Ilang beses nang na-postpone ang Binibining Pilipinas dahil sa coronavirus pandemic.
Ang Bb. Pilipinas International, Bb. Pilipinas Grand International, Bb. Pilipinas Intercontinental, at Bb. Pilipinas Globe ang mga beauty title na ipamamahagi ng Binibining Pilipinas Charities, Inc.
Pitong korona naman ang ipamimigay ng Miss World Philippines Organization, ang Miss World Philippines, Miss Supranational Philippines, Miss Eco Philippines, Reina Hispanoamericana Filipinas, Miss Multinational Philippines, Miss Teen Eco International Philippines, at Miss Tourism Philippines.
Ang Smart Araneta Coliseum ang isa sa mga napipisil ng Miss World Philippines Organization para maging venue ng grand finals night ng kanilang patimpalak.
Pero hindi na ito mangyayari dahil tiyak na idaraos ang Binibining Pilipinas pageant sa Big Dome.
SAMANTHA BERNARDO ON HAN LAY
At any rate, hindi lamang ang coronation night ng Binibining Pilipinas ang ibinalita ni Samantha sa welcome presscon para sa kanya.
Nagkuwento rin siya tungkol sa mga karanasan niya sa 8th Miss Grand International na ginanap noong March 27, 2021 sa Bangkok, Thailand.
Si Samantha ang hinirang na first runner-up sa Miss Grand International kaya natagalan ang pagbalik niya sa Pilipinas dahil sa mga responsibilidad na kanyang tinupad.
Nabanggit ni Samantha na si Miss Grand Myanmar Han Lay ang naging matalik na kaibigan niya dahil sila ang magkasama sa kuwarto ng official residence ng mga kandidata ng 8th Miss Grand International.
“I really love Han. I hope I can visit Mynamar soon when everything is settled and I hope, she can also visit the Philippines," sabi ni Samantha tungkol sa beauty queen mula sa Myanmar.
May warrant of arrest na inilabas para kay Han ang military junta sa Myanmar.
Ito ay dahil ginamit niyang plataporma ang Miss Grand International para malaman ng buong mundo ang mga karahasang nangyayari sa kanyang bansa buhat nang maganap ang coup d’etat noong February 1, 2021.