Pormal na sasampahan ng kaso bukas, May 17, dahil sa paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Drugs Act of 2002) si Mark Joven Olvido, ang Pilipinas Got Talent Season 6 finalist na dinakip noong Biyernes, May 14.
Inaresto si Joven sa isang buy-bust operation na magkatulong na isinagawa ng PDEA Region 4A, Sta. Cruz Police at Police Intelligence Unit Drug Enforcement Unit sa Barangay Duhat, Sta. Cruz, Laguna.
Nakumpiska kay Joven ang tatlong sachets ng hinihinala na shabu at ang buy-bust money na nagkahahalaga ng P2,000.
Nakilala si Joven sa Pilipinas Got Talent bilang Vape Master dahil sa kanyang husay sa pagbuga ng usok, at ang pagsali niya sa reality talent competition show ng ABS-CBN noong 2018 ang naging instrumento para magkaroon siya ng showbiz career.
Pamamasada ng tricycle ang ikinabubuhay ni Joven bago ito sumali sa Pilipinas Got Talent at marami ang nanghihinayang dahil hindi niya pinahalagahan ang malalaking oportunidad na ipinagkaloob sa kanya.
Naranasan ni Joven na gumawa ng mga pelikula at magkaroon ng special participation sa Ang Probinsyano, kaya ikinagulat ng kanyang mga kakilala ang balita na diumano, gumagamit at nagtutulak siya ng ipinagbabawal na gamot sa lugar niya sa Sta. Cruz, Laguna.
Bago natiklo si Joven ng mga awtoridad sa buy-bust operation noong Biyernes, nahuli siya ng Sta. Cruz Police noong Martes, May 11, dahil sa pagmamaneho niya na walang lisensya.
Kasalukuyang nakakulong si Joven sa Sta. Cruz Municipal Police Station jail kaya hindi pa siya nakapagbibigay ng panig tungkol sa pagkakaaresto sa kanya.
Ang mga kaibigan at kakilala ni Joven ang nagsabing malaki ang ipinagbago ng ugali niya mula noong sumali siya sa Pilipinas Got Talent at naging artista.
Pinararatangan din si Joven na ginagamit umano nito na front ang pamamasada ng tricycle para sa pagtutulak ng ipinagbabawal na gamot, at isa ito sa isyu laban sa kanya na hinihintay na sagutin niya dahil may karapatan siyang ipagtanggol ang sarili.