Si Cavite Governor Jonvic Remulla rin ang tumapos sa isyu na siya ring nag-umpisa kahapon, April 23, 2021.
Dahil dito, hindi na malalaman ng publiko ang sagot ni Manila City Mayor Isko Moreno sa mga patutsada laban sa kanya.
Ayon huling tweet ni Remulla tungkol sa isyu, nagkaayos na sila ni Moreno kaya umapela siya sa publiko na tumigil na.
"Guys tigil na. Wala kaming away ni Yorme. Peace na kami so let’s move on. Have a good weekend and SHOUTOUT sa lahat ng Army…I Purple You,” ang "pa-cute" na mensahe ni Remulla.
(Ang Yorme ay bansag kay Moreno, habang ang Army na tinutukoy ni Remulla ay tawag sa fandom ng sikat na seven-member South Korean boy band na BTS at purple ang kanilang signature color.)
Sa pahayag ni Remulla, wala silang away ni Moreno, pero lumikha ng ingay ang kanyang mga mabibigat na paratang laban sa alkalde ng Maynila.
Matatandaang ang puno't dulo nito ay ang reklamo ng mga residenteng mula sa Manila at Parañaque na na-relocate sa Villa de Adelaida sa Naic, Cavite. Hindi pa raw kasi sila nakakatanggap ng PHP4,000 na ayuda.
At ayon kay Mayor Jun Dualan, wala pa raw ang pondo nila sa bayan ng Naic.
May buwelta si Moreno nung nakapanayam siya ng TV Patrol, pero hindi ito nagbanggit ng pangalan.
Aniya, "Nung mga nakaraang ayuda, nagpadala ako doon. At kung may sosobra pa kami, kasi niyayakap din namin dito sa Maynila kahit hindi botante.
"And I hope they will do the same.
"Alam mo, style kasi ng trapong pulitiko iyan, e. Yung botante, hindi botante. Basta't dun na sila nakatira, o, next time magparehistro na sila dun sa barangay, sa bayan na iyon, hindi dahil para iboto iyong loko-loko na iyon. E, kasi, pangit talaga."
Ipinagtanggol ni Remulla si Dualan sa pamamagitan ng isang mahabang Facebook post kung saan ikinumpara ng gobernador ang populasyon, budget, at SAP (Social Amelioration Program) allocation ng lungsod ng Manila at bayan ng Naic.
"Gusto ko lang po sanang ipagtanggol si Mayor Jun:
1. Population: Manila 1,930,686 vs Naic 130,461
2. Annual Population Growth Rate 1.43% vs 4.57%
3. Annual Budget P20B vs P380M
4. Per Capita Budget P10,359.01 vs P2,912.75
5. SAP Allocation P1,523,278,000 vs P115,822,000
6. Relocated families from Manila to Naic: 1,092 families"
Sa dulo ay nagbitaw si Remulla ng maaanghang na salita laban kay Moreno.
"Yorme, alam ng lahat ang ambisyon mong maging Pangulo. Wala kaming isyu don. Libre mangarap ang kahit sino. Pero sana at huwag mong tapakan ang iba para lamang umangat ka.
"Hindi ka pa nga Pangulo ay ang yabang mo na.
"Hirap na hirap na nga kami dito, kami pa ang ginawa mong rason dahil sa pagka-atat mong sumikat. Sana, pag-aralan mo muna ang suliranin bago ka magpuputak ng walang kuwenta.
“Kung pagpapasikat lang ang gusto mo? Hindi mo kailangan mang-apak ng Caviteño.
"Wag kaming mga Caviteño ang pag-initan mo. Hindi ka namin uurungan."
At press time, hindi pa rin binubura ni Remulla ang kanyang post sa kabila ng kanyang pahayag na nagkaayos na sila ni Moreno.
Bukod sa kanyang tweet, nagpadala rin ng text message si Remulla sa ABS-CBN News na tinawagan siya ni Moreno sa telepono para ipaliwanag ang panig, ilang oras matapos mag-viral ang Facebook post ng gobernador.
"We had anunderstanding that in these stressful times we often say things we shouldn’t have,” ani Remulla tungkol sa naganap kahapon na pag-uusap nila ni Moreno.