Labingwalong bansa at mga teritoryo ang binawi ang paglahok sa 69th Miss Universe dahil sa coronavirus pandemic.
Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Miss Universe, hindi nagpadala ng kandidata ang Germany. Hindi sila nagkaroon ng national pageant dahil sa COVID-19.
Nag-withdraw din sa 69th Miss Universe ang Angola, Egypt, Equatorial Guinea, Georgia, Guam, Kenya, Lithuania, Mongolia, Namibia, New Zealand, Nigeria, Saint Lucia, Sierra Leone, Sweden, Tanzania, Turkey, at ang U.S. Virgin Islands dahil sa mga ipinatutupad na lockdown at travel restrictions.
Para sa mga Pilipino na obsessed sa mga beauty pageant, pabor kay Miss Philippines Universe Rabiya Mateo ang withdrawal ng mga naturang lugar dahil nabawasan ang kanyang mga kalaban kaya mataas ang tsansa niyang magkaroon ng puwesto sa 69th Miss Universe.
Tatlumpo sa official candidates ng 69th Miss Universe ang appointed dahil pa rin sa pandemya kaya hindi nagdaos ng national pageant ang mga bansa gaya ng Argentina, Bulgaria, Dominican Republic, Mauritius, Panama, Portugal, South Korea, Ukraine, at Puerto Rico.
Makikinabang pa rin si Rabiya sa nangyari dahil "more chances of winning" ang Philippine bet na hindi appointed candidate kaya alam niya ang hirap ng pagsali sa isang national pageant.
Nagamit ni Rabiya ang mga karanasan nito bilang contestant at winner ng Miss Universe Philippines, na ginanap sa Baguio City noong October 25, 2020, para mapaghandaan niya nang husto ang 69th Miss Universe.
Masidhi ang hangarin ni Rabiya na maging ika-limang Pilipina na Miss Universe title-holder kaya malaking partida ang halos pitong buwang pagsasanay at paghahanda niya para sa prestigious international beauty pageant na kanyang sasalihan sa May 16, 2021.