Winakasan na ng singer-actress at ng aktor ang kanilang lihim na relasyon, pero mananatili silang magkaibigan dahil maayos ang kanilang paghihiwalay.
Mutual decision ng dalawa na tapusin ang pagmamahalang itinago nila sa publiko dahil nagdesisyon ang aktor na bumalik sa bansang sinilangan at kinagisnan niya.
Pumunta lamang ang aktor sa Pilipinas para bigyan ng katuparan ang pangarap niyang magkaroon ng showbiz career, pero naapektuhan naman ng coronavirus pandemic.
Inilihim ng singer-actress at ng aktor ang kanilang relasyon para makaiwas sila sa intriga at mga paghuhusga.
Hindi maganda ang resulta ng last relationship ng aktres dahil natuklasan niyang hindi naging tapat sa kanya ang ex-boyfriend na aktor din.
Well-publicized noon ang relasyon ng singer-actress sa dating karelasyon na naintriga nang husto.
Nag-iwan ng malaking aral sa aktres ang nangyari kaya pinili niyang isikreto sa publiko ang pagmamahalan nila ng aktor na ipinalit niya sa kanyang ex-boyfriend.
Apat na taon nagkasama ang singer-actress at ang aktor sa isang TV show. Pero nabuo ang relasyon nila matapos magpaalam sa ere ang kanilang programa at nang makipaghiwalay ang aktres sa ex-boyfriend niya.
Ni minsan, hindi nag-post ang singer-actress at ang aktor sa kanilang mga social media account ng mga litratong magkasama sila.
Nakuntento na lang silang sundan sa social media ang isa’t isa para mapangalagaan nila ang relasyon, na hindi rin nagkaroon ng happy ending dahil sa pasya ng aktor na bumalik sa piling ng kanyang pamilya sa ibang bansa.