Isa sa mga classic OPM Christmas at hugot song ang "Pasko Na Sinta Ko," na pinasikat ni Gary Valenciano noong 1986.
Hindi kumpleto ang Pasko ng mga sentimental na Pilipino kapag hindi maririnig na pinatutugtog sa radyo o mapapanood na inaawit sa mga musical-variety shows ang "Pasko Na Sinta Ko," pati na ang "Miss Kita Kung Christmas" (1975) ni Susan Fuentes at ang "Sana Ngayong Pasko" (1993) ni Ariel Rivera.
Si Gary ang pinaniniwalaan ng karamihang original singer ng "Pasko Na Sinta Ko."
Pero pinatotohanan ng musician na si Fred Gutierrez na ang UP Concert Chorus ang unang umawit ng Christmas song.
Ang "Pasko Na Sinta Ko" ay isinulat ni Professor Aurelio Estanislao ng University of the Philippines College of Music at nilapatan ng musika ni Francisco Dandan.
Malaki ang kinalaman ni Fred sa paglikha ni Estanislao sa "Pasko Na Sinta Ko" dahil naging inspirasyon ng propesor ang kuwento ng pagmamahalan ni Fred at ng kanyang unang karelasyong si Melba.
Lahad ni Fred sa Cabinet Files, "Nagkakilala kami ni Melba sa UP College of Music kasi nag-join siya ng UP Concer Chorus noong late '70s.
"Pumasok ako sa UP noong 1974 at nakilala ko siya around 1976. Sa madaling-salita, naging close kami dahil marami kaming performances.
"We travelled kung saan-saan to perform sa Philippines at nagkaroon din kami ng international travel noong 1978.
"Na-develop kami through constant companionship, but there was a time, pinag-usapan nila ng mother niya na kailangan niyang kumuha ng masters sa Arizona, U.S.A.
"So, kapag nangyari ‘yon, magkakahiwalay kami.
"To make the long story short, umalis siya ng Christmas season. Masyado akong affected kasi first love ko si Melba.
"Talagang inconsolable pain ang naramdaman ko. Parang naging empty yung buhay ko dahil umalis na siya, wala naman akong magagawa."
the first time he heard the song
Pero tulad ng mga love story na may malungkot na wakas, hindi nagkatuluyan ang dalawa dahil sinunod ni Melba ang desisyon ng kanyang magulang.
Nagdulot ito ng matinding kalungkutan at pangungulila kay Fred.
Kuwento pa niya, "Voice major ako sa UP, so yung voice teacher ko, si Professor Aurelio Estanislao, malapit siya sa akin.
"Hindi ko napapansin na inoobserbahan pala niya ako noong time na magpa-Pasko at umalis si Melba for the U.S.
"Nabuo sa isipan niyang mag-compose ng song tungkol sa kuwento ko. Kasi yung 'Pasko Na Sinta Ko' is about missing someone, a loved one, kaya malungkot ‘yung song.’ Yun ang story namin, e.
"Isinulat ni Professor Estanislao yung lyrics at nakipag-collaborate siya sa isang Francisco Dandan, siya ang gumawa ng melody.
“Yung original score ng 'Pasko Na Sinta Ko' was a solo. Hindi siya choral version.
"Noong time na ire-rehearse nila, pina-finalize nila yung kanta, si Francis sa piano, yung teacher ko, nasa loob ng kuwarto.
"Napapasok ako sa room ng teacher ko at inabutan ko sila na ire-rehearse nila yung kanta. That was the very first time na narinig ko yung song.
"Nung kinakanta niya ‘yon, nakaramdam ako ng sobrang ibang pakiramdam.
"Sobrang madamdamin, parang naka-relate ako for some reason, pero never kong naisip na tungkol sa amin ni Melba yung kanta," pagbabalik-alaala ni Fred tungkol sa collaboration nina Estanislao at Dandan.
THE FIRST TIME THE SONG WAS PERFORMED
Noong mga panahon na iyon, walang kamalay-malay si Fred na ang love story nila ni Melba ang nag-udyok kay Estanislao para isulat ang lyrics ng "Pasko Na Sinta Ko," na unang inawit ng UP Concert Chorus sa Cultural Center of the Philippines.
"Bago kumalat sa radio waves noong 1986, nauso muna ang 'Pasko Na Sinta Ko' sa choir.
"Kasi si Francisco Dandan, nung nabuo na yung solo, siguro nag-usap-usap sila na gawan ng choir version para i-perform ng UP Concert Chorus.
"Ang world premiere ng 'Pasko Na Sinta Ko' was performed by the UP Concert Chorus at the Cultural Center of the Philippines.
"Binigyan ako ng solo part ng aming conductor na si Rey Paguio, pero hindi ko pa rin alam na tungkol sa amin ni Melba ang kanta.
"Sobrang heartfelt nang kantahin ko sa CCP ang 'Pasko Na Sinta Ko.' Sa akin pinakanta yung first stanza, and then saka lang pumasok yung choir.
"Yun ang misconception, it’s only natural for people to think na si Gary ang original singer."
CHRISTMAS SONG FOR THE LONGING HEART
Hindi na nagkaroon ng komunikasyon sina Fred at Melba mula nang magkahiwalay sila.
Nabalitaan na lang ni Fred na nagkaroon na ng sariling pamilya si Melba sa Amerika, pero umuuwi ito sa Pilipinas para magbakasyon at bisitahin ang mga kamag-anak.
Nasubaybayan ni Fred ang pagsikat ng "Pasko Na Sinta Ko" na inawit ni Gary.
Pero natuklasan lamang niyang tungkol sa love story nila ni Melba ang popular OPM Christmas song nang dumalo siya sa Christmas party ng UP Concert Chorus.
"Ang nakakatawa, nalaman ko lang na tungkol pala sa love story namin ni Melba yung kanta, thirty years later during a Christmas party ng UP Concert Chorus.
"Nang dumating ako sa party, pinag-uusapan nila yung 'Pasko Na Sinta Ko.' And then, saka lang ikinuwento ng isang conductor, si Jai Sabas Aracama ng UP Concert Chorus, yung history ng kanta.
"At doon ko lang nalaman na tungkol pala ‘yon sa amin ni Melba.
"Si Jai, pabiro niyang ikinukuwento yung nangyari kung papaano nag-collaborate si Estanislao at saka si Dandan. Minention niya na tungkol nga sa amin ni Melba yung kanta.
"After niya magkuwento, might as well kantahin namin yung song, so pinakanta niya ako right there and then,” natatawang sabi ni Fred, na hindi makapaniwala sa lihim na kanyang nalaman.
Nakunan ng video ang pag-awit ni Fred ng "Pasko Na Sinta Ko" sa Christmas party ng UP Concert Chorus.
Sa kahilingan ng Cabinet Files, nagbigay siya ng kopya para mapanood ito ng PEP readers:
Pasko Na Sinta Ko with Fredo, UP Concert Chorus from Q Chat on Vimeo.
Makikita naman sa YouTube Channel ni Fred ang makabagbag-damdaming video narration ni Fred tungkol sa kuwento ng pagmamahalan nila ni Melba at ang kasaysayan ng "Pasko Na Sinta Ko."
THE PEOPLE BEHIND THE SONG
Pero gaya ng ibang mga malulungkot na Christmas song, may kurot sa puso ang nangyari sa mga taong may kinalaman sa pagkabuo ng "Pasko Na Sinta Ko."
Sumakabilang buhay ang lyricist na si Estanislao noong 1978.
Winakasan naman ni Dandan ang sariling buhay noong January 30, 2001 sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili, gamit ang calibre.38, dahil sa depresyon.
Base sa report ng isang pahayagan noong January 31, 2001, nagpakamatay si Dandan dahil hindi nito matanggap na hindi naging matagumpay ang kanyang music career sa kabila ng pagiging popular ng "Pasko Na Sinta Ko.
Pumanaw na rin si Melba noong October 2016 dahil sa stroke.
Ayon kay Fred, mas naunang nalaman ni Melba na para sa kanila ang "Pasko Na Sinta Ko" na nilikha nina Estanislao at Dandan. Pero hindi na sila nabigyan ng pagkakataong mapag-usapan ang awit na nabuo dahil sa malungkot na kuwento at alaala ng kanilang pagmamahalan pero mananatiling buhay sa habampanahon.
Canada-based na si Fred simula pa noong May 2019.
Sa tuwing naririnig niya ang Pasko Na Sinta Ko, naalaala pa rin daw niya si Melba.
Pero mas malalim na ang kahulugan ng naturang awit para sa kanya dahil ang masidhing pangungulila sa sariling bayan ang nararamdaman niya.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika