Bago pa isinilang ang mga makabagbag-damdaming OPM Christmas songs na "Pasko Na Sinta Ko" at "Sana Ngayong Pasko" na inawit nina Gary Valenciano at Ariel Rivera, respectively, ang "Miss Kita Kung Christmas" ang national anthem ng mga Pilipinong sawi sa pag-ibig tuwing Pasko.
Kapag sumasapit ang Pasko, hindi pwedeng mawala sa listahan ng mga kantang paulit-ulit na pinatutugtog sa radyo at inaawit ng mga artista sa mga musical-variety show ang timeless Christmas song ni Susan Fuentes.
Susan Fuentes Toyogon ang tunay na pangalan ni Susan. Isinilang siya noong November 1, 1954.
Maraming Visayan songs na pinasikat ni Susan kaya binansagan siyang "Queen of Visayan Songs" noong dekada '70.
Pero ang "Miss Kita Kung Christmas," na isang Tagalog na awit, ang nagmarka nang husto sa publiko.

Sina Hermie Uy at Fe Ayala ang mga composers ng "Miss Kita Kung Christmas" na nilikha nila noong 1975.
Ayon sa music expert na si Baby Gil, ang "Miss Kita Kung Christmas" ang kauna-unahang Christmas song na ginawa sa colloquial Manila Sound style na pinagsama ang English at Filipino lyrics.
Marami nang mga singers at sikat na artista na nag-revive ng classic Christmas song ni Susan, pero hindi sila nagtagumpay dahil mahirap pantayan at malampasan ang original version.
Sa tuwing pinatutugtog ang "Miss Kita Kung Christmas," naghahatid ito ng kakaibang lungkot sa mga nakaririnig, lalo na sa mga taong dumaranas ng pangungulila sa kanilang mga minahal na hindi nila nakatuluyan o nawala.
REMEMBERING SUSAN FUENTES
Truth be told, kasing-lungkot ng lyrics ng "Miss Kita Kung Christmas" ang mga huling sandali ng buhay ni Susan.
Nawalay siya nang matagal sa kanyang mga anak, at isinadula ito ng Magpakailanman noong March 2013.
Ang kapwa Visayan singer na si Dulce ang tumulong sa pagpapagamot kay Susan, na dumanas ng paghihirap sa mga huling taon ng kanyang buhay bago siya binawian ng buhay sa National Kidney and Transplant Institute noong September 7, 2013 sa edad na 58.
Bukod sa kidney ailment, may colon cancer din si Susan kaya malaking tulong ang benefit concert na pinangunahan ni Dulce para makalikom ng pera para sa pagpapagamot niya.

Susan Fuentes (left) and Dulce during their interview in Startalk
Nakausap ng Cabinet Files nitong Linggo ng gabi, December 6, ang pamangkin ni Susan na si Elaiza Roxas Toyogon tungkol sa kuwento ng buhay ng kanyang pumanaw na Tita Sue.
"She’s my Tita Sue. Kapatid siya ng father ko at pang-apat siya sa limang magkakapatid.
"Sobrang sweet and gentle siya. Mapagbigay si Tita Sue kapag meron siyang mabibigay.
"Bata pa lang siya, sumasali na siya sa mga singing contest sa probinsiya nila sa Butuan.
"Ginamit ni Tita Sue ang talent niya para makatulong kina lolo at lola.
"Ginamit din niya ang kanyang talent para mag-serve sa simbahan, kahit na may sakit na siya that time," ang pagsasalarawan ni Elaiza tungkol kay Susan.

Elaiza Roxas Toyogon (left) with her late aunt Susan Fuentes in 2010
SUSAN'S ESTRANGED CHILDREN
Noong August 25, 2012, wagas ang luha ni Susan sa exclusive interview ng defunct showbiz talk show na Startalk dahil sa sobrang pangungulila niya sa kanyang estranged children.
"Gusto ko lang naman na dalawin ako. Hindi naman talaga pera… ayoko nang pagbintangan na pera lang ang gusto ko.
"Gusto ko lang makausap yung mga anak ko, gusto ko lang na dalawin man lang ako.
"Natural na nagkakahiwalay ang pamilya pero dalawin pa rin. Siguro nga dahil may mali nga rin ako," lumuluhang pahayag ni Susan sa panayam sa kanya ng Startalk.
"Family issues" ang sinabing dahilan ni Elaiza nang aming itanong ang puno’t dulo ng hindi pagkakaunawaan noon ni Susan at ng mga anak nitong sina Anne at Raffy.
"Hindi man niya nakasama nang matagal ang kanyang mga anak, we know na lagi silang ipinagdarasal ni Tita Sue.
"Before siya binawian ng buhay, nagkaroon si Tita Sue ng communication sa mga anak niya, kahit sandal lang.
"Actually, si Kuya Raffy, yung bunso niyang anak, nakausap pa naman niya nung lumalaban siya sa sakit niya.
"Hindi na niya naabutang buhay si Tita Sue, pero nandoon si Kuya Raffy hanggang sa cremation ng kanyang mommy sa Heritage Park.
"Nasa Chinese Temple ng Heritage Park ang abo ni Tita Sue. We know na masaya siya ngayon."

Susan Fuentes and her son Raffy
"MISS KITA KUNG CHRISTMAS"
Kahit walong taon nang namamayapa si Susan, buhay na buhay pa rin siya sa alaala ng mga Pilipino dahil patuloy na pinatutugtog at naririnig ang "Miss Kita Kung Christmas" sa tuwing sumasapit ang Pasko, isang bagay na ipinagmamalaki ng kanyang pamilya.
"Sobrang nakaka-proud knowing na may tita kami na kami na tinaguriang 'Queen of Visayan Songs.'
"Marami man ang mga nag-revive sa mga kanta niya, still iba pa rin ang original.
"Pinapanood at pinakikinggan namin sa YouTube ang mga song niya lalo na kapag malapit na ang Christmas.
"Kapag may get-together ang aming family, ginagaya namin si Tita Sue. Kinakanta namin ang favorite songs niya.
"Sobrang miss na miss na namin ang kanyang boses at mga kanta na magaan sa pakiramdam," pagtatapos na kuwento ni Elaiza tungkol sa original singer ng "Miss Kita Kung Christmas" na araw-araw at hindi lamang tuwing Christmas na nami-miss ng kanilang pamilya.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika