Umapela ang mag-asawang Gardo Versoza at Ivy Vicencio na maging responsable ang ibang online news publications sa pagbabalita tungkol sa ancestral home ng aktor.
Hindi man lamang daw nakipag-ugnayan sa kanila ang mga nagsulat ng kuwento na nawasak ng bagyong Ulysses ang ancestral home ni Gardo sa Pasig City.
Wala raw katotohanan iyon.
Nag-ugat ang isyu nang mag-post si Gardo sa Instagram ng litrato ng bahay niyang naulanan noong nanalanta ang bagyong Ulysses sa Metro Manila.
"Haaaaayyyyy our house" lang ang caption ni Gardo sa Instagram photo.

Pero nagawan daw agad ito ng kuwento, maging ng mga reputable news organization, nang walang anumang verification mula sa mag-asawa.
Sa eksklusibong panayam ng Cabinet Files, ipinaliwanag ni Ivy na ang nasa post ni Gardo ay isang ancestral home na hindi na rin maganda ang kondisyon bago pa nanalasa ang bagyo.
Sa katabing bahay raw ng ancestral home nakatira ang mag-asawang Gardo at Ivy.
Si Gardo ay freelance actor na napapanood sa GMA-7 at ABS-CBN shows, habang si Ivy ang tumayong business manager niya.
Lahad ni Ivy: "Yung ancestral house nina Gardo, katabi lang ng bahay namin at for renovation talaga siya this December.
"Ang post lang ni Gardo was 'Haaaaayyyyy our house' kasi nga naka-ready na siya, andiyan na yung ibang mga materyales para sa renovation tapos biglang bumagyo.
"And then, may gumawa ng story from Gardo’s IG post. Ang dami na niyang inilagay na istorya sa kanyang balita.
"Noong una, ayaw na namin palakihin. Sabi ni Gardo, 'Hayaan mo na lang.'
"Pero nagulat na lang kami dahil pati ang online news ng mga TV network at radio stations, inilabas din ang balita na walang interbyu sa amin."
GARDO AND IVY DISMAYED OVER UNVERIFIED NEWS
Ang copy-and-paste unverified news ang dahilan kaya naalarma ang mga kamag-anak at kaibigang labis na nag-aalala sa kalagayan nina Gardo at Ivy.
Marami ring netizens ang nabahala at nagsabing sirang-sira ang bahay, na saksi sa mga TikTok videos ng mag-asawa.
"Walang nakalagay na nakausap nila kami o tinanong nila kami tungkol sa detalye ng bahay na ‘yon.
"Walang sinabi si Gardo na sinalanta ni Ulysses ang ancestral house nila pero ito yung ibinalita.
"Yun daw ang tinitirhan namin, doon daw kami nagti-TikTok.
"So sana, bago nila kinuha yung IG post ni Gardo, sana nagtanong muna sila, 'Ito ba yung bahay niyo?'"
ON NETIZENS' CRITICISMS, WRONG ASSUMPTIONS
Ang pinakamasaklap, may mga nag-akusang nagpapaawa lamang sina Gardo at Ivy.
Labis daw naapektuhan si Ivy dahil sa mga batikos na natanggap nila ni Gardo mula sa bashers na hindi alam ang buong katotohanan.
Kaya hindi maiwasang mainis ni Ivy sa mga nagpakalat ng maling balita.
Dismayadong pahayag ni Ivy: "Yun ang nakakapikon, inilabas nila nang inilabas ang balita na hindi kami tinatanong.
"Sila na yung gumawa ng istorya para sa picture na nakita nila sa Instagram account ni Gardo.
"Si Gardo, may mga charity work siyang hindi natuloy this week dahil sa mga basher na nagsasabing para ‘yon sa bahay niyang nasalanta ng bagyo. Ikino-connect na naman nila sa maling balita.
"Pina-cancel ko na lang ang charity work niya para wala nang masabi ang bashers."
LIVING IN A HOUSE BESIDE THE ANCESTRAL HOME
Once and for all, gusto raw klaruhin ni Ivy ang impormasyon tungkol sa ancestral house ni Gardo.
Nais din daw niyang ipaabot sa mga kaibigan nilang maayos ang kanilang kalagayan sa kanilang tirahan sa Pasig City.
Giit ni Ivy, hindi naman sila doon sa ancestral house nakatira, kundi sa katabing-bahay.
"Unfair para sa amin yung istorya nila.
"Yung mga kaibigan namin, nagtatanong, 'Saan kayo nakatira ngayon?' E, ibang bahay naman ang tinitirhan namin.
"Nagpainterbyu na ako para klaruhin lang. Sana naman, walang mga ganoong kuwento na hindi naman galing sa amin."
May mensahe si Ivy sa online news site administrators at sa mga news organization na nasanay maglabas ng mga balita, na tanging basehan ay mga social media post at hindi na gumagawa ng paraang kausapin at tanungin ang mga taong sangkot sa isyu.
Ani Ivy, "Maging responsable na lang sila sa pagbabalita. Madali naman kaming kausapin.
"Sana tinanong muna nila kami bago sila naglabas ng balita para maiwasan ang fake news."
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika