Kung paghahandaan ni Miss Universe Philippines 2020 Rabiya Mateo ang pagsali sa 69th Miss Universe, malaki ang tsansang mapansin siya.
Bukod sa kanyang ganda at talino, taglay niya ang mga pinagsama-samang karakter at karanasan ng Filipina beauty queens na nagkaroon ng puwesto sa itinuturing na most prestigious international beauty pageant.
Half-Filipino at half-Indian si Rabiya, na inabandona ng kanyang Indian father noong limang taon pa lamang siya.
Umaasa si Rabiya na makakatulong ang beauty title niya para magkita sila ng kanyang estranged father.
Filipino-Indian din si Venus Raj, ang 4th runner-up sa Miss Universe noong 2010.
Tulad ni Rabiya, umasa si Venus na makikilala nito ang biological father nang mapanalunan niya ang Miss Universe Philippines 2010 crown sa 47th edition ng Binibining Pilipinas. Pero hindi nangyari ang kanyang pangarap.
Parehong nabahiran ng kontrobersiya ang pagkapanalo nina Venus at Rabiya.
Muntik nang bawiin noon kay Venus ang kanyang Miss Universe Philippines crown dahil sa citizenship issue.
Pinagbibintangan naman si Rabiya ng ibang mga kandidata na pinaboran siya ng mga organizer kaya nakuha niya ang title na Miss Universe Philippines 2020.
Physical therapist si Rabiya. Pareho sila ng propesyon ni Miriam Quiambao, ang first runner-up sa Miss Universe 1999.
Physical therapist si Miriam nang magwagi siya bilang Bb. Pilipinas-World sa 36th Binibining Pilipinas noong February 20, 1999.
Si Janelle Bautista ang nanalong Bb. Pilipinas-Universe 1999, pero ipinalit sa kanya si Miriam dahil nagkaroon ng problema sa citizenship niya.
Kahit first runner-up siya sa Miss Universe 1999, ipinagbunyi ng mga Pilipino ang tagumpay ni Miriam, na dahilan para kalkalin ng media ang lahat ng may kinalaman sa kanya.
Ito ang dahilan kaya nalaman ang relasyon nila ng boyfriend niya na si Martin Bernardo.
Sadly, si Martin ang naging casualty dahil naghiwalay sila ni Miriam matapos maging first runner-up ang huli sa 48th Miss Universe.
Twenty-four years old si Miriam nang sumali siya sa Miss Universe 1999.
Kung matutuloy sa December 2020 ang coronation ng 69th Miss Universe, dalawampu’t apat din ang edad ni Rabiya.
Cum laude graduate si Rabiya, at cum laude rin si Janine Tugonon nang magtapos ito ng kursong Pharmacy sa University of Sto. Tomas.
Si Janine ang first runner-up sa 61st Miss Universe na ginanap sa Las Vegas, Nevada noong December 19, 2012.
Si Jaypee Santos ang boyfriend ni Janine nang lumahok siya sa Miss Universe 2012.
Nang bumalik siya sa Pilipinas, sinabi ni Janine sa interview sa kanya ni Ricky Lo sa The Philippine Star noong January 7, 2013 na siya ang mawawalan kung maghihiwalay sila ni Jaypee.
"I think it’s gonna be my loss if I break up with Jaypee. If I were to choose a lifetime partner, I would choose him," may katiyakang mga salita noon ni Janine.
Pero hindi niya ito napanindigan dahil hindi nagtagal, naghiwalay sila ni Jaypee.
And now here comes Rabiya...
Sa panayam kay Rabiya ng ABS-CBN News noong November 2, nagbitaw siya ng mga pahayag tungkol sa kanyang boyfriend na si Neil Salvacion.
Deklara ni Rabiya: “I promised not to leave him even if I win. We’ve been dating for six years. He’s my first boyfriend. We’ve been together since college. I can make a man stay!”
Binigyan ni Rabiya ng dahilan ang beauty pageant fans para tutukan ang kanyang love life dahil sa pagsasalita niya nang tapos.
Kasing-edad ni Rubiya ang 24-year-old na si Catriona Gray nang koronahan ang huli bilang 67th Miss Universe sa Bangkok, Thailand noong December 17, 2018.
Gaya ng kinahinatnan ng pakikipagrelasyon nina Miriam at Janine, naghiwalay rin sina Catriona at Clint Bondad pagkatapos ng anim na taong relasyon.
Malaki ang posibilidad na maiwasan ni Rabiya ang tila sumpa sa love life ng mga beauty queen na naging kinatawan natin sa Miss Universe kung matututo siya mula sa kanilang mga karanasa.
At kung kakasihan siya ng magandang kapalaran tulad ng nangyari kina Miss Universe 1969 Gloria Diaz, Miss Universe 1973 Margie Moran, at Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika