Pumanaw na ang Australian singer na si Helen Reddy (October 25, 1941-September 29, 2020) sa Los Angeles, California, nitong Martes ng hapon, September 29 (Miyerkules ng umaga, September 30, sa Pilipinas).
Siya ay 78 taong gulang.
Ang mga anak ni Reddy na sina Traci Donat at Jordan Sommers ang naglabas ng opisyal na pahayag tungkol sa pagkawala ng kanilang ina na may sakit na dementia.
"It is with deep sadness that we announce the passing of our beloved mother, Helen Reddy, on the afternoon of September 29, 2020 in Los Angeles.
"She was a wonderful Mother, Grandmother and a truly formidable woman. Our hearts are broken. But we take comfort in the knowledge that her voice will live on forever."
Nagsimula ang singing career ni Reddy sa Melbourne, Australia, noong apat na taon pa lamang siya.
Nag-umpisa naman ang kanyang international singing career noong 1967.
Ang "One Way Ticket" ang unang single at hit song ni Reddy.
Higit siyang nakilala sa buong mundo dahil sa kanyang 1971 feminist song na" I Am Woman," na naging “national anthem” noon ng mga kababaihan.
Popular sa mga Pilipino si Reddy dahil sa kanyang mga kanta na "I Don’t Know How To Love Him" (1971), "You and Me Against the World" (1974), at ang kanyang last hit single noong 1981, ang "I Can’t Say Goodbye To You."
Totoo ang sinabi ng mga anak ni Reddy na habampanahong maririnig ang boses ng kanilang ina kahit sumakabilang-buhay na ito. Dahil hanggang ngayon, pinatutugtog pa rin sa FM stations sa Pilipinas, lalo na tuwing araw ng Linggo, ang kanyang mga walang kamatayang awit.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika