Hanggang sa Thailand ay usap-usapan ang pagkakaugnay ng model-actor na si Clint Bondad sa Thai transwoman billionaire na si Jakkaphong "Anne" Jakrajutatip.
Kamakailan ay nagpa-interview si Anne sa isang Thai talk show tungkol sa balitang may relasyon sila ni Clint, ang ex-boyfriend ni Miss Universe 2018 Catriona Gray.
Hiningi ng Cabinet Files ang tulong ng Thai nationals na sina Dada at Pisit para maisalin sa Tagalog at English ang mga pahayag ni Anne.
Sa interview, nanindigan si Anne na magkaibigan lamang sila ng Filipino-German actor.
"Isa siya sa mga kaibigan ko at pumunta siya sa Thailand para magtrabaho sa kompanya ko,” sagot ni Anne sa panayam sa kanya tungkol kay Clint, base sa translation ni Dada.
Ayon pa sa Thai billionare, "Wala pa akong panahong magkaroon ng boyfriend, pero may Englishman din akong kaibigan.
"May walo akong bahay at isa rito ay tinitirhan ni Clint.
"Marami ang nanliligaw sa akin pero wala pa akong boyfriend. Pumupunta rin sila sa Thailand para magtrabaho sa kompanya ko."

Ayon kay Dada, ikinuwento ni Anne sa talk show na nagkakilala sila ni Clint noong September 2019 nang magpunta siya sa Pilipinas para sa business venture nila ng GMA Network, Inc.
Si Anne ay CEO ng JKN Global Media Public Company Limited, isang global content provider at channel operator ng iba't ibang TV series at movies.
Distributor si Anne sa Thailand ng ilang mga teleserye mula sa GMA-7 at ABS-CBN.
Sinabi naman ni Pisit sa Cabinet Files, hindi kapani-paniwala ang pahayag ni Anne na wala itong relasyon kay Clint at parang magkapatid lamang ang turing nila sa isa’t isa.
Ikinuwento rin ni Pisit na, diumano, pitong taon na ang relasyon ni Anne sa British boyfriend nitong si Benjamin, na mahal na mahal ng Thai people.
May mga balita umanong hindi na raw "healthy" ang pagsasama nina Anne at Benjamin.
"In her latest interview on Woody Show, she said she is still in a relationship with Benjamin.
"But Clint moved to her company JKN as employee, but lives in one of her eight houses. He works here.
"He told Anne that he cannot live in the Philippines anymore because of 'big gossip,'" sabi ni Pisit sa Cabinet Files tungkol sa TV interview kay Anne na napanood niya nitong Martes, July 21.
(Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika)